Magastos na WEF trip ni PBBM ipabubusisi ng Makabayan bloc

Magastos na WEF trip ni PBBM ipabubusisi ng Makabayan bloc

January 19, 2023 @ 5:57 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Isang resolusyon na hihiling ng imbestigasyon ang “very lavish business trip” ni Pangulong Bongbong Marcos sa World Economic Forum sa Davos, Switzerland ang nakatakdang ihain sa Kamara ng Makabayan Bloc.

Ayon kay Act Teachers Partylist Rep. France Castro isa sa nais nilang imbestigahan ang “bloated” o masyadong maraming kasama sa delegasyon ng Pangulo na umabot sa 70 katao.

“Titignan pa natin ano, pag-iispan nating mag-ano ng inquiry kaugnay niyan. Kasi 70, kasi ang laki-laki naman nitong 70. Parang nakakahiya sa iba’t ibang mga delegates doon sa Davos na mayroon lang less than 10. Tayo 70. Anong ginawa ng mga ito,” pahayag ni Castro.

“Yun dapat ay kuwestiyunin kung saan nanggaling yung pondo na ginamit dito sa trip. Malaki ang cost ng hotel accommodation in five days, tapos yung syempre yung transportation cost, at iba pang related na mga costs,” dagdag pa nito.

Sinabi ni Castro na ang kanilang resolusyon ay pinag-aaralan nilang ihain sa pagbabalik ng sesyon ng Kamara sa Lunes, Enero 23. Gail Mendoza