Magat dam, magpapakawala ng tubig ngayong Lunes

Magat dam, magpapakawala ng tubig ngayong Lunes

April 11, 2022 @ 12:08 PM 3 months ago


ISABELA- Magpapakawala ng tubig mula sa Magat Reservoir ang National Irrigation Administration- Magat River Integrated Irrigation System o NIA-MARIIS mamayang alas-2 ng hapon.

Kung kaya’t inabisuhan ang publiko sa pamamagitan ng pagte-text sa mga cellphone numbers at post sa kanilang Facebook page para na rin mapaghandaan lalo na sa mga nakatira malapit sa ilog.

Ayon kay Edwin Viernes, acting section head ng Flood Forecasting and Warning System for Dam Operation (FFWSDO), nasa 200 cubic meters per second ang pakakawalang tubig sa isang spillway gate mamayang alas-2 ng hapon subalit maaari pa nila itong dagdagan depende sa lakas ng ulan na papasok sa Magat Watershed.

Ang pagpapakawala nila ng tubig ay  dahil sa tuloy-tuloy na nararanasang pag-ulan bunsod ni “Agaton” kung saan pinangangambahan pa ang posibleng paglakas ng dalang ulan ng mga binabantayang bagyo na nakapasok sa PAR.

Upang mapanatili  ang normal na lebel ng tubig sa Magat dam reservoir para hindi mabigla ang mga nakatira malapit sa Cagayan river sa gagawing pagpapakawala ng tubig ng NIA-MARIIS.

Huling nagpakawala ng tubig ang Magat dam noong Marso 2021 at unang beses aniya ito na magpapakawala ng tubig ngayong panahon ng tag-init bunsod na rin ng bagyo.

Ayon pa kay Viernes, bago pa ginawa ang desisyon na magpakawala ng tubig ay nagkaroon muna ng pagpulong ang NIA -MARIIS sa mga stakeholders gaya ng Office of the Civil Defense, PAGASA at PDRRMO.

Pinapayuhan naman ang lahat na maging alerto, iwasan ang pagtawid o pamamalagi sa tabi ng ilog dahil itoy mapanganib.

Samantala, sa pinakahuling datos ng Magat Dam hanggang nitong alas-6 ng umaga, nasa 190.51 meters above sea level (masl) na ang lebel ng tubig sa Magat Dam; 260.83 cubic meter per second ang Inflow at 82.78 cubic meter per second naman ang total outflow. Rey Velasco