Magat dam muling magpapakawala ng tubig

Magat dam muling magpapakawala ng tubig

August 17, 2022 @ 2:04 PM 2 months ago


RAMON, ISABELA- Simula ngayon alas-2 ng hapon ay muling magpapakawala ng tubig ang Magat Dam.

Batay sa abiso ng National Irrigation Administration Magat River Integrated Irrigation System (NIA-MARIIS), magpapakawala ng tubig mula sa Magat Dam Reservoir mamayang alas dos ng hapon upang mapanatili ang ligtas na lebel ng tubig sa dam.

Ayon kay Engr. Gileu Michael Dimoloy, department manager ng NIA-MARIIS na nasa 189 meter na ang water elevation ng Magat Dam kaya kailangan ng magpalabas ng tubig para hindi maabot ang critical level na 190 meters.

Tinatayang nasa 200 cubic meters per second ang papakawalamg tubig sa dam na katumbas ng pumapasok na tubig mula sa watershed areas.

Maari namang mabago ang papakawalang tubig depende sa lakas ng ulan sa Magat Watershed.

Ang pagpapakawala ng tubig mula sa dam ay dahil sa mga pag-ulan sa Magat Watershed na bunsod ng isolated thunderstorm na dala ng Southwest Monsoon.

Pinapayuhan ang lahat na iwasan muna ang pagtawid o pamamalagi sa tabi ng ilog dahil ito ay mapanganib.

Kaugnay nito, pinapaalalahanan ang mga mamamayan na dalhin sa mas ligtas na lugar ang kanilang mga gamit at mga alagang hayop dahil sa biglang pagtaas ng tubig. Rey Velasco