Magat Dam nagpakawala na ng tubig

Magat Dam nagpakawala na ng tubig

October 29, 2022 @ 1:38 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Nagsimula nang magpakawala ng tubig nitong Sabado, Oktubre 29 ang Magat Dam bilang bahagi ng paghahanda sa epekto ng Severe Tropical Storm Paeng.

Ayon kay Engr. Gileu Michael Dimoloy, department manager ng NIA-MARIIS, inisyal na 186 cubic meter per second na katumbas ng nasa 930 dram ng tubig ang pinakawalan simula alas-8 ng umaga.

Matatandaan na kahapon ay naunang inanunsyo na nasa 200 cms na tubig ang kanilang papakawalan ngayong araw.

“Initial release ito, pre-emptive. So, minomonitor pa natin kung gaano ‘yung intensity ng tubig sa watershed natin. Kung lalakas yung mga pag-ulan, talagang magdadagdag tayo,” sinabi ni Dimoloy.

Samantala, nakapagtala na ng bahagyang pagtaas sa lebel ng tubig sa dam na sa huling impormasyon ay nasa 187.04 meters na kumpara sa 186 meters sa mga nakalipas na araw.

“Matindi ang inflow natin from upstream kasi malalakas na ang ulan kahapon. May mga pag-ulan pa, kaya we expect more inflow coming in to our reservoir,” pahayag naman ni Engr. Carlo Ablan, general manager ng Dam and Reservoir Division.

Kung lalakas pa ang ulan at marami ang tubig na bababa sa reservoir ay maaari pa umano silang magdagdag ng papakawalang tubig ngunit wala pa namang inaasahan na agarang matinding epekto ang pagpapakawala ng Magat Dam sa ilog na nakakonekta rito.

Sa kabila nito, hinimok pa rin ng NIA ang publiko na panatilihin ang pag-iingat at paghahanda lalo na sa mga nakatira malapit sa ilog. RNT/JGC