Magbabahay-bahay sa Pasay vs COVID-19

Magbabahay-bahay sa Pasay vs COVID-19

January 14, 2022 @ 11:08 AM 7 months ago


MANILA, Philippines – Iniutos ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano ang pagbabahay-bahay na pagcheck ng mga may simtomas ng coronavirus disease (COVID-19) sa lahat ng 201 barangay sa lungsod dulot ng mabilis na pagtaas ng bilang ng kaso ng virus.

Sa panayam sa chief of staff ni Calixto-Rubiano na si Peter Pardo, bukod sa pagbabahay-bahay na pagcheck ng mga may simtomas ng COVID-19 ay kasabay na isinasagawa ng lokal na pamahalaan ang pagpapaigting ng contact tracing upang mapigilan na pagkalat ng virus sa lungsod.

Sinabi ni Pardo na base sa report ng City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU), nakapagtala ang lungsod ng 330 bagong kaso ang nadagdag nitong Enero 13 na kabilang sa kabuuang 3,466 aktibong kaso ng COVID-19 sa lungsod.

Umabot na rin sa 26,077 ang kumpirmadong kaso ng virus kabilang na dito ang 22,052 na mga nakarecover habang wala naming nadagdag na namatay sa COVID-19 na nananatili lamang sa bilang na 559.

Ayon kay Pardo, inatasan din ni Calixto-Rubiano ang lokal na kapulisan na pinamumunuan ni police chief P/Col. Cesar Paday-os na magsagawa ng “Oplan Sita” at paalalahanan ang mga residente ang tamang pagsusuot ng facemask gayundin ang pag-obserba ng physical distancing bilang proteksyon sa banta na dulot ng COVID-19.

Bukod pa dito ay idinagdag pa ni Pardo na patuloy pa rin ang pagsasagawa ng baksinasyon sa lungsod mula Lunes hanggang Linggo at ang paghihimok sa mga hindi pa bakunadong indibidwal na magpaturok na ng bakuna para na rin sa kanilang proteksyon sa nakamamatay na virus.

Napag-alaman din kay Pardo na nito lamang Enero 11 (Martes) ay isinailalim ng lokal na pamahalaan sa local enhance community quarantine (LECQ) ang 1,144 kabahayan na nasasakupan ng 119 barangay sa lungsod.

Dagdag pa ni Pardo, hindi rin nakaligtas ang 10 sanggol na nasa edad 11 buwan, 153 bata na nasa edad 1 hanggang 12 taong gulang at 67 kabataan naman na nasa edad 13 hanggang 17 taong gulang ang nahawahan na rin ng virus sa lungsod. James I. Catapusan