MAGBANTAY LABAN SA COVID-19 SUPERVIRUS

MAGBANTAY LABAN SA COVID-19 SUPERVIRUS

April 5, 2022 @ 8:35 PM 3 months ago


LUMALABAS sa mga pag-aaral sa coronavirus disease-19 na posibleng magkaroon ng supervirus o Frankenstein virus.

Ayon sa mga eksperto, sinusubaybayan na ang pagsasama ng napakabagsik na Delta Variant at napakabilis makahawa na Omicron variant.

Sa ngayon, ang recombinant o pagkakambal ng Delta variant at ng Omicron variant ay kumakalat sa mga bansang France, Germany, Denmark,  Belgium at United States

Mayroon ding pagsasama ng Omicron variants na BA.1 at BA.2 at tinatawag itong Omicrcon XE na pinakamabilis ngayon sa lahat ng COVID virus sa pagkalat.

Daan-daan na ang tinatamaan sa ng Omicron XE sa UK at lumundag na ito sa Thailand.

Sa ngayon, ang pangunahing tumitira sa Hong Kong, South Korea, United States at iba pa ay ang Omicron BA.2 o stealth Omicron na mahirap makapa ng reverse transcription polymerase chain reaction kundi ng genome sequencing.

Ngayon, mga Bro, huwag nating maliitin ang Omicron dahil ito ngayon ang pumapatay sa Hong Kong, sa China, sa South Korea at maging sa United States.

Eh kung magsama-sama ang mga Delta variant at sari-saring Omicron, saang ospital at punerarya kaya tayo pupulutin?

TURISMO AT DOBLE IMPEKSYON

Siyempre pa, mga Bro, naririyan ang kaba sa posibilidad na mapasok tayo ng nabanggit nang supervirus o Frankenstein virus.

Gaya ng virus na nanggaling sa Wuhan, China noong una, tiyak na manggagaling din sa labas ng Pinas ang nasabing napakadelikadong virus.

At itong pagbubukas ng turismo sa mga balikbayan, overseas Filipino worker at dayuhan ang isa sa mga posibleng panggagalingan nito.

Kaya naman, dapat na mapagbantay tayo at hindi basta magluluwag ng mga health protocol para lang kumita tayo ng salapi mula sa turismo.

Hindi pupwedeng ipagpalit ang salapi sa kalusugan at buhay ng mga Pilipino.

Paliwanag naman ng mga eksperto, posibleng may maganap mismo sa kahit saang bansa, kasama na ang Pinas, na lilikha ng supervirus.

‘Yun bang === kung may dala kang Delta variant at nahawa ka pa ng Omicron, kapag nagsama ang mga ito sa katawan, diyan na lalabas ang super-virus.

PAKIKIPAGLABAN AT HALALANG 2022

Sabi ng mga siyentista, may tatlong pinakamalalaking armas ang katawan ng tao na panlaban sa bagong virus.

Una, kapag nagkasakit na ang tao sa COVID-19 at gumaling, may natural immunity o lakas na ng katawan na lumaban sa COVID virus.

Ikalawa, kapag nagpabakuna siya na may boos-ter pa, malakas na rin ang panlaban niya.

Ikatlo, kung hindi siya magpakampante at laging sumusunod sa health protocols gaya ng pagsu-suot ng face mask, social distancing at paglilinis ng kamay, may lakas din siyang lumaban.

Ngayon, paano ang mga politiko na nagsasalita sa mga entablado nang walang face mask at nagpaparamihan ng mga dadalo sa kanilang mga rally?

Nakatatakot isiping matutulad tayo sa India at South Korea na matapos ang kanilang eleksyon, nilulusob naman sila ng COVID-19.

Anomang reklamo o puna, iparating lang sa www.remate.ph o i-text sa 0921-4303333.