MAGBANTAY SA CAR BOMB NG MGA TERORISTA

MAGBANTAY SA CAR BOMB NG MGA TERORISTA

August 1, 2018 @ 7:38 PM 5 years ago


Dapat nang magbantay-bantay ang lahat laban sa mga teroristang Islamic State of Iraq and Syria o ISIS ngunit tinatawag ding IS.

Kaugnay ito ng paggamit na ng teroristang grupo ng sasakyan bilang bomba.

Naunang gumamit ang mga ito ng car bomb sa kanilang paghahasik ng lagim sa mga bansang Iraq at Syria at lumawak ito sa ibang mga bansa.

Bukod sa Syria at Iraq, kabilang sa mga bansang binanatan ng ISIS ng car bomb ang Afghanistan, Libya, Yemen, Kuwait, Lebanon at Saudi Arabia.

Sa Pilipinas, dalawang beses nang nagkaroon ng car bombing gaya ng nangyari sa Cotabato noong 2013 na ikinamatay ng 8 katao at ikinasugat ng 40 iba pa.

Kahapon naman, isa pang car bombing ang isinagawa sa Lamitan, Basilan na pumatay ng 11 katao at ikinasugat ng 5 iba pa habang isinusulat ito.

 

MAGBANTAY

Dapat na mahigpit na magbantay ang lahat dahil sa nauusong car bombing.

Walang nakaaalam kung kailan at saan isasagawa ng mga terorista ang pambobombang ito.

Hindi tayo alarmista ngunit nararapat lang na kahit ang mga nasa labas ng Mindanao ay dapat na magbantay.

Ang katotohanan kasi, ang mga miyembro ng ISIS ay naaaresto maging sa Metro Manila.

Kaya naman, nararapat lang ang pagbabantay.

Napakarami na tayong paraan ng komunikasyon.

Dapat gamitin natin ang lahat ng paraan na maiparating sa mga kinauukulan ang suspetsa nating may dalang bomba sa kanilang mga sasakyan.

Kasama sa mga dapat na aksyunan ng lahat ang mga gumagawa ng bomba na maaaring gagamit ng sasakyan sa pambobomba.

 

KARANASAN

Matuto dapat tayo sa karanasan bagama’t magaling sa palusutan ang mga bomber.

Sa karanasan kahapon, hinarang sa checkpoint papasok sa Lungsod ng Lamitan ang van na minamaneho ng isang dayuhan.

Isa umanong dayuhan ang may dala ng sasakyan dahil hindi maintindihan ang kanyang sinasabi ng nagsagawa ng checkpoint.

Nang magtawag ang mga nag-checkpoint ng iba para mag-imbestiga, dito na sumabog ang sasakyan.

Kasama sa mga namatay ang terorista na tiyak nang may hawak ng koneksyon para sa pagpapasabog.

Suicide bomber ang taong iyon.

Kasama niyang namatay noon din ang limang miyembro ng CAFGU, tatlong babae, isang sundalo at isang bata.

Ganyan kabangis ang car bomb.

Maaaring magkaroon ng kahalintulad na ganitong sitwasyon at magandang matutunan natin kung ano ang ating gagawin.

 

NAKAKIKILABOT

‘Yung ibang mga bomber, walang checkpoint-checkpoint at dirediretso ang mga ito sa pagmamaneho hanggang maabot nila ang kanilang target.

Karaniwan namang kaaway nila ang kanilang puntirya pero marami ang pagkakataon na mga sibilyan din ang binobomba ng mga terorista at maaaring nangyari ito sa Lamitan kung nakapasok ito sa lungsod.

Nakakikilabot na may magaganap na car bombing sa iba pang mga lugar at hindi lang sa Mindanao.

Imadyinin natin na kayang magpabagasak ang puno ng bomba ng walong palapag na gusali at pumatay ng daan-daang katao.

Nitong Enero, 2018 sa Afghanistan, mahigit 100 ang namatay sa sumabog na ambulansya na ginawang car bomb.

Sa Somalia nitong 2017, mahigit 400 katao naman ang namatay sa isang pambobomba lamang; Syria – 126 patay; at Iraq 323.

Noong 2015 naman naganap ang pagkagiba ng 8-storey building sa ramadi, Irag nang magpasabog ang ISIS ng car bomb habang may laban ang mga ito sa mga pwersa ng gobyerno.

 

ANG BOL

Mayroon na tayong Bangsamoro Organic Law na nagbibigay-laya sa mga lugar na sakop ng batas na mamamahala sa kanilang mga sarili ngunit dapat na naaayon pa rin sa Konstitusyon at batas ng mahal kong Pinas.

Kasama sa mga pag-asa ng pagkakaroon ng BOL ang pagtigil ng karahasan o rebelyon o terorismo sa lugar.

Totoo, hindi pa batas ang BOL subalit may pag-asang maaaprubahan ito ng mga mamamayan pagkasalang nito sa kanila para aprubahan sa mga darating na araw.

Subalit sadya talagang may mga grupong ayaw pasakop sa batas.

At heto na nga ang palatandaan ng kanilang pagkakaroon ng mga sariling plano at programa na hiwalay sa BOL.

Binomba nila ang Lamitan City.

Kaya naman, dapat laging mapagbantay tayo hangga’t may malinaw na mga grupo na ayaw makisama sa sambayanan sa paghahanap ng solusyon sa mga kaguluhang kaugnay ng rebelyon at terorismo.

Walang imposible, maging ang pakikibaka sa terorismo at rebelyon kung magkakaisa at magtutulungan tayo lahat laban dito.

oOo

Anomang reaksiyon o reklamo ay maaaring iparating sa 09228403333 o i-email sa [email protected]ULTIMATUM NI BENNY ANTIPORDA