MAGBAYANIHAN AT ‘DI MANGHARBAT

MAGBAYANIHAN AT ‘DI MANGHARBAT

November 12, 2022 @ 11:30 AM 2 weeks ago


PAANO kaya tayo makatulong nang husto upang maibsan ang krisis na bumabalot sa milyong mamamayan at krisis ding nadarama ng pamahalaan dulot ni bagyong Paeng.

Tanong natin ito, mga Bro, sa gitna ng palaki nang palaking halaga ng mga nasirang imprastraktura at agrikultura dahil kay Paeng.

Kahapon, halimbawa, inihayag ng National Disaster Risk Reduction Management Council na may nasirang imprastraktura na nagkakahalaga ng P4.6 bilyon at agrikultura na P4.4B.

Ngayon, tumaas ang nasira sa imprastraktura sa P5.1B at sa agrikultura – P6.2B.

Tumaas ang kabuuang halaga ng mga nasira sa P11.3B.

Sa imprastraktura, kasama ang mga nasirang tulay, pier, eskwela, tahanan ng mga mamamayan.

Sa nasirang agrikultura, kasama ang mga palay at mais at iba pang pananim, alagang mga hayop at alagang mga lamang dagat, kasama na ang mga hipon at isda.

MAPALALAMPAS NG PAMAHALAAN

Kung iisipin, kayang palampasin ng gobyerno ang mga nasira, lalo na ang mga imprastraktura, dahil hindi naman talaga basta ang pagkukumpuni o pagpapalit.

Madalas na nagaganap na kung bumagsak o inanod ng baha ang isang malaking tulay, halimbawa, isinasailalim ang mga ito sa masusing pag-aaral, kasabay ng paghahanap ng karampatang pondo na milyon-milyon o daan-daang milyon o bilyon para sa bawat isa.

At naririyan pa ang siyam-siyam na mga pasubasta na lumalamon din ng matagal na panahon, lalo na kung nag-aaway-away ang mga sumasali na kompanya na hinahaluan din ng misteryo ng mga korap.

Pero sa huli, ginagawa pa rin ng pamahalaan ang nararapat at karaniwang inaalalayan ng pamahalaan at mga kontraktor ang mga obrerong apektado ng kasiraan dito gaya ng pag-aalok ng ibang mga trabaho na karaniwan naman ay saglitan lamang.

HINDI SA AGRIKULTURA

Sa agrikultura, iba ang usapin.

Higit na mas marami ang apektado at ang epekto ay talaga namang malawakang gutom.

At talagang matagalan ang gutom.

Imadyinin na lamang na 4 buwan ang muling pagtatanim ng palay at mais hanggang sa magkaroon ng ani.

Sa paghahayupan, gaya ng sa babuyan, aabot ng mahigit 7 buwan bago makapagbenta ang mga magbababoy.

Kapag nawasak naman ang bangka ng mga mangingisda, siyam-siyam ang inaabot nila bago sila makabuo muli ng bangka at makapangisda.

Sa mga palaisdaan, umaabot ng 6-7 buwan din ang pag-aalaga ng mga bangus at tilapia bago sila mag-ani.

PAANO NGA BA MAKATUTULONG?

Maraming paraan ang pagtulong.

Isa ang pagpapalakas sa pamahalaan upang magampanan nito ang buo na pagtulong sa mga biktima ng kalamidad.

Kabilang sa mahahalagang gawin ang tamang pagbabayad ng buwis at itigil ang mga pandaraya rito at ismagling.

Dapat ding makuntento sa sahod at benepisyo ang mga opisyal at empleyado ng pamahalaan at huwag pagdudugasin ang mga pondong nakalaan sa serbisyong bayan, lalo na ang mga nakakalamidad.

Sa hanay ng mga mamamayan?

Ang bayanihan sa paglingap sa mga nasawi, sa mga nagkakasakit at nasugatan, sa mga nasiraan ng mga tahanan, sa mga nalugihan ng maliliit na hanapbuhay ay napakahalaga.

Magandang isipin ng lahat, mamamayan at nasa pamahalaan, kung ano ang kanilang maiaambag at hindi ang kanilang mahaharbat.