MAGHANDA KAY PAENG

MAGHANDA KAY PAENG

October 26, 2022 @ 5:26 PM 1 month ago


HABANG tinitipa natin ito, hindi pa tiyak kung maging bagyo ang sama ng panahon na nasa silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur.

Sakaling maging bagyo at pangalanang Paeng ang low pressure area na ito, hindi rin tiyak ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration kung saan ito tatama.

Maaari umanong tatama sa Kabisayaan, partikular sa parteng Samar provinces o kaya’y sa hilagang Luzon.

MAGHANDA NA

Kahit hindi pa bagyo o hindi tiyak kung saan tatama ang LPA o bagyo, dapat nang maghanda ang lahat sa mga sinasabi ng PAGASA na tatamaan nito.

Kapag hindi maging bagyo, magdudulot naman ng mga ulan na tiyak na lilikha ng mga baha at landslide.

Kung maging bagyo man, magsasama ang lakas ng hangin at malakas na ulan para salantain ang mga lugar na daraanan nito.

Ang hilagang Luzon na sunod-sunod na tinamaan ng mga bagyo sa nakaraang dalawang buwan, anak ng tokwa, tiyak na masasalanta ulit.

Hindi nga makabangon-bangon, lalo na ang magsasaka na labis na nasalantaan ng mga pananim at mga alagang hayop.

Ang buong pamahalaan ang inaasahan ng milyong mamamayan na nasalantaan dahil hindi na kayang magpaluwal ang mga nasasalanta mismo.

Sabagay, hindi naman nagpapabaya halimbawa ang Department of Social Welfare and Development na hindi lang ayudang pagkain ang dala-dala kundi cash assistance at education assistance.

Naririyan din ang Department of Agriculture na nagpapamahagi ng sari-saring tulong pansakahan, kasama ang mga binhi, puhunan, repair ng mga irigasyon at kanal ng mga ito at iba pa.

Aktibo ring umaayuda ang Department of Education sa mga guro at estudyante at aktibong gumagawa ng paraan upang maayos ang mga eskwela, lalo’t magpapasukan na nang face-to-face.

At marami pang ibang ahensya ng pamahalaan ang nakahandang umalalay, kasama na ang Departmento of Public Highways para ayusin ang mga nasisirang tulay, kalsada at iba pa.

Nakatambay at alerto naman lagi ang mga pulis at military sa kanilang mga search and rescue operations sa gitna ng langslide at baha at pagtakbo ng mga mamamayan sa mga evacuation area.

At ang mga local government unit, naririyan ang mga kapitan, mayor, gobernador at iba pang mga lokal na opisyal na kahit nauubusan na ng mga pondong pangkalamidad, tuloy-tuloy ang paglingap nila sa mga nasasalanta.

TULONG-TULONG LANG LAHAT

Hindi natin mapipigilan ang pagdating ng sama ng panahon kahit pa sinasabi ng PAGASA na nagsimula na ang tag-init.

Kaya naman, sa gitna ng mga kalamidad na dulot ng sama ng panahon, dapat pairalin ang pagtutulungan.

Tatandaan, walang piso na nabubuo kung walang sentimo at walang kabang bigas na nabubuo kung walang butil para rito.

Bawat sentimo at bawat butil ng bigas ay mahalaga at kung magbigay tayo ng ating makakaya sa mga nasasalanta, lalaya sila sa kahirapan at kagutuman sa gitna ng anomang kalamidad.

Sa hirap at ginhawa, dapat magsama-sama at magtulungan tayo lahat.

Ang dasal at pananampalataya, patay at walang kahulugan kung walang gawa.