MAGHANDA LAGI LABAN  SA MGA BAGYO, BAHA

MAGHANDA LAGI LABAN  SA MGA BAGYO, BAHA

September 9, 2022 @ 7:10 PM 4 weeks ago


TAGBAGYO  at tagbaha talaga.

Kaaalis pa lang ang super bagyong si Henry, hayan at naririyan na naman si Inday na maaaring maging signal number 2.

Tumama si Henry sa hilagang Luzon at itong si Inday, malayo-layo ngunit sakop ito ng Philippine area of responsibility sa parteng hilagang Luzon at nasa Philippine Sea.

Patungo ito sa parteng Japan at China.

Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration, may darating na nasa 7-11 bagyo pa ang darating mula sa buwang ito hanggang Pebrero 2023.

Marami-rami pa ‘yan.

MALALAKAS NA BAGYO

Problema ang mga bagyong malalawak ang sakop o daan-daang kilometro ang sakop at malalakas.

At tiyak na may iba pang mga super-bagyo na kabilang sa mga 7-11 BAGYO.

‘Yun bang === ang lakas ng hangin ay maaaring lalagpas sa 220 kilometro kada oras.

Ang masama ay kung kakambalan ito ng malalakas ding ulan at magtatagal sa loob ng bansa ng maraming oras o araw.

Alalahaning nararanasan natin ang mga bagyong halos ayaw nang umalis sa Pilipinas at nagbubunga ang mga ito ng katakot-takot na kalamidad.

MGA KALAMIDAD

Hindi man kailangang sabihin dahil danas na natin ang mga kalamidad, magandang ulit-ulitin ang dala ng mga bagyo na labis na nakasisira sa buhay at ari-arian ng lahat.

Kung tutuusin, walang sinasanto ang mga ito, mayaman man o mahirap.

Naririyan ang nililikha nitong nakamamatay na landslide, baha, natutumbang puno at iba pa.

Kung bumaha naman ay ganuon na lamang.

Ibinabaon nito sa lupa ang ating mga pananim, ipinaaanod sa mga ilog ang wasak nating mga tahanan, pinapatay nito ang ating mga alagang panaim at hayop na pinagkakakitaan.

Sinisira rin ng mga baha ang mga tulay at kalsada na gamit natin sa paglalakbay at paghahanapbuhay.

Kasama ang mga mapanirang hangin, nasisira ang kuryente sa pagkakatumba ng mga poste at nawawasak ang mga tahanan.

At alam na natin lahat ang mga paghihirap at kalungkutang dinaranas sanhi ng mga bagyo at ibinubunga nito lupit ng kalikasan.

LAGING PAGTUTULUNGAN

Iba’t ibang paraan ang pagtutulungan na ating ipinamamalas tuwing may mga kalamidad na bunga ng mga bagyo.

Siyempre pa, naririyan ang mahigpit na pagtutulungan ng mga mamamayan at pamahalaan na binubuo ng nasyunal at lokal na pamahalaan.

Mula sa pagdadala ng pagkain hanggang sa pagliligtas sa mga nasa delikado at agaw-buhay na kalagayan.

Naririyan din ang mga pribadong organisasyon na laging tumutulong sa abot na kanilang makakaya gaya ng mga Lions Clubs International.

Pero mayroon tayong mga spesyal na babanggitin na anyo ng pagtulong.

Kabilang dito ang tamang pagbabayad natin ng mga buwis.

Hindi dapat tayo dapat mandaya o umiwas o sadyang hindi magbayad ng buwis.

Dapat ding hindi tayo sasabak sa mga ismagling na sadyang anyo ng hindi pagbabayad sa buwis.

Kung magbabayad tayo nang tama at hindi mandaya, umiwas o sadyang hindi magbayad, makaiipon ang pamahalaan nating lahat ng sapat na pondo para gamitin sa pagliligtas at pag-ayuda sa ating lahat sa oras ng kalamidad at pangangailangan.