MAGHANDA LAGI VS LINDOL

MAGHANDA LAGI VS LINDOL

November 23, 2022 @ 1:22 AM 4 days ago


GRABE ang lindol na naganap sa Cianjur, West Java, Indonesia kamakalawa.

Magnitude 6.5 lang pero dahil nasa 10 kilometro lang sa ilalim ng lupa ang pinagmulan ng lindol, anak ng putakte, grabeng pinsala ang tinamo ng mga nilindol.

Sa ngayon, habang tinitipa natin ito, mahigit nang 160 ang napatunayang namatay habang daan-daan ang nasugatan at nasa 13,000 ang nasa mga evacuation center.

Karamihan sa mga patay ang mga batang nasa loob ng mga eskwelahang dinurog at tinumba ng lindol.

Karamihan sa mga istruktura at bahay ay isa o dalawng palapag lang ngunit dahil sa lakas ng lindol, nagiba halos lahat ng ito.

 Ang bayan ng Cianjur na bulubundukin ang may pinakamaraming mamamayan sa lugar at sila rin ang higit na tinamaan ng lindol.

May kabuuang 2.5 milyon sa buong lugar at nakatira sa bayan ang nasa 175,000 katao.

SEARCH, RESCUE AT IBA PA

Malawak ang tinamaan ng lindol at hindi lang ang mismong Poblacion ng Cianjur.

Sa ngayon, puspusan ang mga pwersang search and rescue, medikal, pang-imprastraktura, pampagkain at iba pa sa pag-ayuda sa mga biktima.

Punuan ngayon ang mga ospital ng mga naghihingalo at nasugatan at kailangang dalhin sa malalayong lugar ang iba para maligtas sa kamatayan at malunasan sa kanilang mga sugat.

Siyempre pa, darami pa ang mga maibabakwit sa paglawak ng opersayon mula sa bayan hanggang sa mga kanayunan.

Hirap ang mga panlupang sasakyan gaya ng mga ambulansya at trak ng mga sundalo dahil sa gibing mga tulay.

Wala ring kuryente dahil nagkalagot-lagot ang mga kawad at labis na apektado ang mga komunikasyon para sa paghingi at paghahatid ng tulong.

PAANO SA PINAS?

Sa Metro Manila na may 15 milyong residente at nagiging 20 milyon kung araw dahil sa pagpasok ng mga estudyante at obrero mula sa CALABRZON at Central Luzon, paano na lang kung maganap ang inaantabayanan nating The Big One?

May mga bitak sa mga lupang alam nating bahagi ng The Big One na may magnitude na 8.2 kaya naman, ipinagbabawal na ang paggawa ng anomang istraktura sa ibabaw o malalapit sa mga ito.

Magmumula ang The Big One sa Norzagaray, Bulacan hanggang sa mga lalawigan ng Cavite at Laguna.

Tatahakin nito mula sa Bulacan ang pagitan ng Marikina at Quezon City, Pasig, Mandaluyong, Taguig, Paranaque, Muntinlupa, San Pedro, Laguna, Carmona, Cavite at Sta. Rosa, Laguna.

Pero paano ang mga posibleng sanga nito na kilo-kilometro ang haba?

Paano kung magiging mababaw ang lindo na ito at lalagpas ng magnitude 7.2?

Tinatayang aabot sa 50,000 ang agad mamamatay at daang libo ang masusugatan.

Sa mga dadaluyan ng tubig ng 30 metrong taas ng tubig mula sa Angat dam na posibleng magiba, aabot din sa 100,000 ang posibleng mamamatay.

NAKAHANDA NA BA TAYO

Ang tanong lagi, mga Bro, nakahandan na ba tayo?

Ang mga ospital, eskwela, evacuation center, paglilibing sa mga patay, ayuda sa mga buhay at iba pa, nakahanda na ba lahat?