MAGHANDA, MAGDASAL VS SUPER BAGYO SA DECEMBER

MAGHANDA, MAGDASAL VS SUPER BAGYO SA DECEMBER

December 3, 2022 @ 12:52 AM 2 months ago


NAGBABABALA ang Philippine Atmospheric,Geophysical and Astronomical Services Administration ukol sa posibleng pagdating sa ating bansa ng nasa dalawang bagyo na maaaring super typhoon ngayong buwan.

Dito natin naalaala ang mga super typhoon o bagyo na nanalasa sa ating bansa na ikinamatay ng marami sa mga buwan ng Disyembre.

Meron pa ngang tumama sa atin mismong sa araw ng Pasko.

MABABAGSIK NA BAGYO

Heto, mga Bro, ang dumating na bagyo na nakatatakot dahil pumatay ang mga ito ng maraming tao at sumira ng katakot-takot na ari-arian sa malalawak ng bahagi ng bansa.

Noong Disyembre 14-17, 2021, dumating si Odette na may 280 kilometro kada oras na bugso at kakambal din ng malalakas na ulan.

Tumama ito sa Kabisayaan at pumatay ng 410 at dahilan ng missing na tao na nasa 80.

Sa Siargao na isang sentro ng turismo ng bansa, sumira ito ng nasa P20B ari-arian at sa Bohol at Cebu – P5B.

Sinasabing pangalawa sa bagyong Yolanda si Odette noong Nobyembre 2013 ang lakas at ulan nito.

Dumating naman ang bagyong Nina noong Disyembre 25-26, 2016 at may bugsong 260 kilometro kada oras dala ang malalakas na ulan.

Pumatay ito ng 13 katao habang sumira ng P6B ari-arian sa Kabikulan at Timog Katagalugan.

Sa Mindanao naman noong Disyembre 4-5, 2012, dumating at nanalasa si bagyong Pablo na may bugsong 280 kilometro kada oras at malalakas na ulan.

Dahil sa malalakas na ulan, nagiba ang ilang bahagi ng kabundukan at bumuhos ang maputik na baha sa kapatagan na ikinamatay ng kulang-kulang sa 2,000 katao.

Sumira rin ito ng nasa P50 bilyong halaga ng ari-arian.

Lahat ng mga bagong nabanggit ay itinuring na mga superbagyo.

SERYOSOHIN ANG BABALA

Dapat seryosohin lahat ang babala ng PAGASA.

Mula sa ordinaryong mamamayan hanggang sa mga opisyal ng gobyerno mula sa barangay hanggang sa Malakanyang.

Ito’y para maiwasan o mabawasan man lang ang mga posibleng maramihang kamatayan at malakihang pagkasira ng mga ari-arian.

Hindi naman kasi maiiwasan ang mga bagyo na dumating lalo’t ang Pilipinas ang itinuturing na pinaka-favorite na puntahan at daanan ng mga bagyo.

Siguro, tingnan na rin natin lahat ang pinagsasasabi ng mga environmentalist na dumating na ang panahon na kung may mga bagyo, lagi na lang may mga super bagyo na katulad ng mga nabanggit natin sa itas.

Isama na natin ang mga bayong Yolanda at Ulysses.

Itong Yolanda, alam nating lahat na pumatay ng mahigit sa 6,300 katao, sumira ng nasa P300 bilyong halaga ng ari-arian at ikinawala ng tahanan ng mahigit isang milyong tao noong Nobyembre 2013.

Itong si Ulysses na lumikha ng mala-Noe na baha sa Cagayan Valley, sumira rin ng buhay na mahigit 100 at ng ari-arian na nasa P50 bilyon nitong Nobyembre 2020.

MAGHANDA, MAGDASAL

Dapat talaga tayong maghanda ng lahat ng bagay.

Magboluntaryo ang lahat na magtulungan para sa kaligtasan at pagbabawas ng mga kondisyon ng kasiraan sa buhay at ari-arian.

Isama na rin ang mataimtim na dasal laban sa mga bagyo at kalamidad.