MAGHANDA SA 6 PANG BAGYONG DARATING

MAGHANDA SA 6 PANG BAGYONG DARATING

October 17, 2022 @ 5:13 PM 1 month ago


HABANG tinitipa natin ito, mga Bro, may 6 pang bagyong darating sa Pinas.

Batay ito sa karaniwang ulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronominal Services Administration na may 20 bagyo na dumarating sa loob ng isang taon.

Karamihan sa mga bagyo ang mahihina at mahigit tatlo ang dumarating na malalakas.

Alam na natin kung gaano katindi ang mga bagyong malalakas gaya ng mga super bagyo.

Ang super bagyong Karding lang na umabot sa signal number 5, halos wala itong itinira na kabahayan sa Polillo Island na una nitong inatake hanggang sa humina ito nang kaunti nang bumangga sa Sierra Madre.

Pero ang matindi talaga ay ang malalakas na pag-ulan ng halos lahat ng mga bagyo.

Bukod sa malalakas, siyam-siyam pa kung tumirada ang mga ito.

Ang hindi kayang sirain ng mga malalakas na hangin ang siyang sinisira ng mga malalakas, malawakan at matagalang ulan.

Kaya naririyan ang pagkasira ng lahat ng mga pananim at pangisdaan, mga bahay, mga imprastraktura, kasama ang mga eskwela, mga pundar na negosyo at sasakyan at marami pang iba.

SUNOD-SUNOD SA LUZON

Nitong nagdaang tatlong buwan, anak ng tokwa, hindi tinatantanan ng mga bagyo ang hilaga o northern Luxon.

Simula noong Agosto 22, 2022, magkakasunod nga na tumira sina Florita, Gardo, Henry, Inday, Josie, Karding, Josie at Neneng.

Katakot-takot na kasiraan sa buhay at ari-arian ang ipinarating ng mga ito.

Sa hilagang Luzon, hindi na basta makababangon ang mga magsasaka at ang mga negosyanteng may maliliit na puhunan.

Kung isasama pa ang mga sinira ng lindol na nanggaling sa Abra, paano ka makapag-isip kung paano ka babangon nang madali?

AYUDA MULA SA PAMAHALAAN

Kung iisipin, sa hanay ng mga magsasaka, malilit na obrero at negosyante at iba pa, kailangan nila ng ayuda.

Dahil halos lahat ay dinurog o pinadapa ng mga magkakasunod na kalamidad, umaasa ang marami sa mga panlabas na ayuda.

At ang pamahalaan ang pangunahing kanilang masasandalan para sa makapagsimulang bumangon.

Kung may maihahatid namang ayuda, halimbawa, ng mga non-governmental organization, civic at charitable groups, maliliit lamang.

Maaaring pang-dalawang araw o isang linggo lang na supot ng mga pagkain at may halong tubig din kung kailangan ito.

Kaya naman, sa pambansang badyet, hindi dapat mawala ang mga pang-ayuda na pondo laban sa kalamidad at lahat ng sangay ng pamahalaan, mula barangay hanggang Palasyo, ay dapat magkaroon nito.

Alalahaning tila nag-iiba na ang panahon at tila madalas nang nagaganap ang mga kalamidad.

MGA LIGTAS NA LUGAR

Mahalaga sa parte ng pamahalaan ang pagtukoy sa mga ligtas na lugar sa mga panahon ng kalamidad.

Bukod sa mga ayudang ibinibigay nito sa mga biktima, maganda talagang igiit ng pamahalaan ang relokasyon ng mga mamamayan at tulungan silang magtayo ng mga ligtas na tahanan.

At hatiran sila ng mga kompletong serbisyo publiko at pagkakitaan na rin sa mga relocation area.

Masisipag, mapanlikha, matiisin at matitiyaga ang mamamayang Pinoy at kung bigyan sila ng pagkakataon na  bumangon, babangon at babangon ang mga ito.