MAGHANDA SA DIESEL – P80/LITRO; GASOLINA – P72; KEROSENE – P84

MAGHANDA SA DIESEL – P80/LITRO; GASOLINA – P72; KEROSENE – P84

October 10, 2022 @ 3:46 PM 2 months ago


HANDA na ba lahat sa grabeng pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo simula ngayong Lunes ng gabi?

Anak ng tokwa, maaaring aabot kasi sa P80 kada litro ang diesel, P72 sa gasolina at P84 sa kerosene o gaas.

Ito’y dahil sa dagdag-presyong mahigit P6 para sa diesel, mahigit piso sa gasolina at maaaring mahigit piso rin sa kerosene.

Karaniwang mas mahal ng nasa P2 kada litro ang benta ng mga higanteng kompanya gaya ng Petron, Shell at Caltex kumpara sa ibang mas maliliit na kompanya.

ANG MGA DAHILAN

Pangunahing dahilan ng pagtataas ng presyo ng krudo at mga produktong petrolyo ang pagtataas ng United States ng interes sa mga pautang mismo sa nasasakupan nito upang mapigilan ang mga tao na mangutang, bumili ng gusto nila, kasama na ang kanilang mga kapritso.

Marami kasi sa US ang nakadepende sa pangungutang para pambili nila ng kanilang mga pangangailangan, kasama na ang mga kapritsong ng pamamasyal nang malayuan gamit ang mga magagastos nilang sasakyan o pagturista sa iba’t ibang bansa o pagbili ng baril sa rami ng nagpapatayan doon at iba pa.

Kapag naging mabili ang isang bagay, nagtataas naman ang presyo at nagdudulot ito ng hirap sa maraming mamamayan.

Dahil sa pagtaas ng interes sa pautang, kabilang sa mga nanghihina ang negosyong langis o petrolyo dahil walang mangungutang para pambili ng petrolyo.

Kaya naman, nagdesisyon ang Organization of Petroleum Exporting Countries at ilang partner nila na bawasan ng dalawang milyong bariles araw-araw ang kanilang produktong langis.

Sa malaking kabawasan o pagkonti ng suplay, nagtataas din ang presyo ng langis para makabawi ang OPEC+ sa paghina ng negosyo nila sa gitna ng ginagawa ng mga Kano.

WALANG LANGIS HIGIT NA APEKTADO

Maraming bansa ang walang sariling produksyon sa langis at kabilang na rito ang Pilipinas.

Kung meron man tayong produksyon, kakatitiling lang, at tanging ang Malampaya natural gas na konsumo ng mga planta sa elektrisidad ang meron tayo

Ang kawalan ng sariling langis ang dahilan ng pagkaparalisa natin laban sa higit na pagtataas kaysa pagbababa ng presyo sa langis ng mga kompanya ng langis.

Ang masama pa, naririyan ang batas na Oil Deregulation Law na nagbibigay-kapangyarihan sa mga kompanya ng langis na magtaas o magbaba ng presyo nila at halos walang mismong pamahalaan natin laban sa kanila.

KATAKOT-TAKOT NA KRISIS

Tiyak na maraming jeepney at bus ang hindi basta bibiyahe dahil luging-lugi ang mga operator at tsuper sa gitna ng maliit na halaga ng pasahe at ikahihirap naman ito sa pagsakay ng mga obrero, mag-aaral at iba pa.

Marami ring biyahero ng kalakal sa pagkain at iba pang batayang pangangailangan ang titigil o rerenda ng kanilang biyahe dahil sa takot na malugi sila sa napakamahal nang produktong petrolyo.

Dito na rin magkakaroon ng pagtaas ng presyo ng mga kalakal dahil ipinapatong ng mga negosyante at biyahero ang kanilang gastos sa petrolyo sa presyo ng mga kalakal.

Ano-ano nga kaya ang mga posible nating gawin laban sa krisis sa langis?