MAGHANDA VS COVID MULA ULIT SA CHINA

MAGHANDA VS COVID MULA ULIT SA CHINA

December 30, 2022 @ 12:15 PM 1 month ago


BINUWAG na ng China ang patakarang zero-COVID-19 makaraang magprotesta ang ilang libong mamamayan nang mamatay sa sunog ang 10 katao sa ni-lockdown sa high rise apartment sa Urumqi sa lalawigan ng Xinjiang nitong nakaraang Nobyembre.

Pero makaraan ang tatlong linggo, heto na at puno na ang mga balita sa iba’t ibang bansa na grabe na ang paglaganap ng COVID-19.

Hindi lang ‘yan, punuan at umaapaw na umano ang mga ospital, gayundin ang mga sunugan ng mga bangkay.

Maraming pagtantiya na daan-daang milyon ang matatamaan hanggang sa kalagitnaan ng taon at maaari rin umanong magkaroon ng 5,000 patay araw-araw, gaya ng rekord mismo ng United States noong kasagsagan ng COVID sa bansang ito.

Pero pagtaya lang ang mga ito at ang nasasaksihan na pag-apaw ng mga ospital at pagdami ng mga namamatay ang pansamantala nating panghawakan.

Ang punto natin, mga brad, ay ito: Wala nang pagbabawal para sa mga Tsino na mamasyal sa iba’t ibang bansa.

Wala na ring quarantine papasok sa kanila kundi COVID test na isinagawa 48 oras bago ka pumasok sa China.

Ang papasok sa China saka babalik sa Pinas at ang mga galing sa China na didiretso sa atin ang binibigyan natin ng atensyon.

Paano ba natin pinaghahandaan ang mga ito ngayon?

Kasi, ang Japan at US, naglalatag na sila ng patakaran kung paano tratuhin ang mga papasok sa kanilang mga teritoryo na nagmumula mismo sa China o galing sa ibang bansa ngunit naunang nanggaling sa China.

Binabanggit natin ito dahil dalawang Tsino ang natagpuan may dala ng COVID virus noon at isa sa kanila ang namatay at sumunod na rito ang hawaan sa bansa na umabot na sa mahigit 4 milyong nagkasakit at mahigpit 65,300 patay hanggang kahapon.

Kumusta naman kaya ang mga patakaran ngayon ng Pilipinas?