Maging patas sa POGO workers – Nograles

Maging patas sa POGO workers – Nograles

October 12, 2022 @ 6:22 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Umapela ang isang mambabatas sa pamahalaan na maging maunawain sa kalagayan ng mga Chinese nationals na nagtatrabaho sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).

Ang apela ay kasunod na rin ng naging pahayag ng Bureau of Immigration (BI) na nasa proseso na ito ng pagpapadeport sa may 48,000 POGO workers matapos kanselahin ng Philippine Amusement Gaming and Corp. (PAGCOR) ang permit to operate ng ilang POGO operators.

“We have to achieve balance in our policy, and practice empathy and fairness toward the illegal POGO workers who have come here to find employment. Tandaan natin na marami rin tayong kababayan sa ibang bansa na inihihingi natin ng maayos na pagtrato,” pahayag ni Rizal Rep. Fidel Nograles.

Ayon kay Nograles sa dami ng ipapadeport ay mahaharap ang bansa sa isang ” potential humanitarian crisis” kaya naman umaasa ito na nakatutok sa buong sitwasyon si Justice Secretary Jesus Crispin Remulla upang matiyak na maging maayos ang gagawing deportation.

“The Philippines is bound by international statutes as a signatory of United Nations conventions on labor, and is thus obliged to extend protection and support to foreign workers in the country,” giit pa nito.

Aniya, ang usapin ukol sa pagbuwag sa POGO ay dapat na pag-aralan ng mabuti ng pamahalaan dahil na rin sa malaking kita na nakukuha dito gayundin ang trabaho sa maraming Filipino.

Sa datos ng Association of Service Providers and POGOs (ASPAP), nasa 23,118 Pinoy ang nagtatrabaho sa POGO, 11,766 sa mga ito ay direct hires habang ang 11,342 ay indirect employees.

Samantala nasa 17,130 foreign nationals ang legal na nagtatrabaho sa nasabing gaming industry.

Sinabi ni Nograles na bago pa man tuluyang tanggalin ang POGO ay mainam na bigyan din ng pamahalaan ng tiyansa ang mga stakeholders na magpaliwanag at suriin kung saan nagkakaroon ng problema.

“This would entail subjecting all POGO firms to a labor inspection to check on their compliance with labor laws, having a clearer picture of POGOs’ compliance with the country’s laws, including the payment of taxes, would help in crafting a better policy regarding the industry,” pagtatapos ni Nograles. Gail Mendoza