Magka-angkas patay sa trailer truck

Magka-angkas patay sa trailer truck

January 16, 2023 @ 2:44 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Dead on the spot ang magka-angkas sa motorsiklo nang bumangga ang sinasakyang motorsiklo sa nakaparadang trailer truck sa Tondo, Manila madaling araw ng Lunes, Enero 16.

Sinasabing mag-dyowa umano ang mga biktima na nakilalang sina Michael Santos, 22 anyos , binata ng 816 Oroquieta Street, Sta.Cruz, Manila at si Joanna Mae Fernandez, 19 anyos, dalaga ng 1281 Int.9 , Tambunting St., Sta. Cruz.

Sa imbestigasyon ng Manila District Traffic Enforcement Unit, alas-3:50 ng madaling araw nang maganap ang aksidente sa Eastbound lane ng Capulong Road sa tapat ng Meridian Trucking sa Tondo.

Sa kuha umano ng Closed Cirquit Television (CCTV) sa Barangay 151 Zone 13 sa ilalim ng punong Barangay na si Chairwoman Celia Manala, nakita ang pagbangga ng dalawa sa hulihan ng trailer truck na nakaparada sa nasabing lugar.

Kapwa tumilapon ang dalawa dahil sa lakas ng impact na nagresulta ng agaran nilang pagkamatay.

Nabatid sa ulat ng pulisya, ang Sinotruck na may plakang NAW-9286 ay nakarehistro sa Meridian Shipping and Container Carrier Incorporated.

Hinihinalang nakainom ang rider mula sa kapistahan ng Sto. Niño de Tondo at hindi napansin ang nakaparadang truck.

Pansamantalang inilagak ang bangkay ng mga biktima sa Cruz Funeral Morgue para sa kaukulang awtopsiya at matukoy kung dapat managot ang may-ari ng truck. Jocelyn Tabangcura-Domenden