Magkakaibang mask mandate ng ilang LGUs ikinabahala ng DOH

Magkakaibang mask mandate ng ilang LGUs ikinabahala ng DOH

September 11, 2022 @ 11:00 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Ikinababahala ng Department of Health (DOH) ang paiba-ibang protocols na ikinakasa ng ilang lokal na pamahalaan alinsunod sa mask mandate. 

Kasunod ito ng pahayag ng Iloilo na luluwagan nila ang kanilang mask mandate, na kasunod ng pagpapatupad nito kamakailan sa Cebu City. 

“Hindi tayo puwedeng magpatupad ng fragmented o piecemeal na pagpapatupad ng mga protocols for COVID-19 response kasi alam natin na maaring mag-cross ng borders ang virus, maaari rin na pupunta ang isang tao sa isang lugar [na] eased ang restrictions, babalik sa kanilang lugar [na] mahigpit ang restriction,” sabi ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire.

Boluntaryo na ang pagsusuot ng face mask sa labas sa lalawigan ng Iloilo, base sa executive order ni Iloilo Governor Arthur Defensor Jr. 

Subalit, mananatili ang face masks sa mga indoor establishment, kabilang na sa mga pampublikong transportasyon. 

Ayon kay Iloilo Governor Arthur Defensor Jr., ito ay dahil mataas ang kanilang vaccination rate. 

Pinayagan naman umano ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagluluwag ng face mask sa buong bansa, habang naghihintay ang Malacanang na maglabas ng executive order. 

“Hopefully po magkaroon na tayo ng executive order na po, ma-isyu na po at mai-specify naman po kung ano ‘yung magiging polisiya patungkol dito. But of course po, siyempre kapag naipasa na po iyon, sisiguraduhin po natin na imo-monitor po natin iyan,” sabi ni DILG Undersecretary Marge Gutierrez. RNT/SA