Magkalaguyo arestado sa Malabon

Magkalaguyo arestado sa Malabon

August 10, 2022 @ 12:36 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Sa loob ng rehas na bakal nagtapos ang mahigit isang taong pagsasama bilang mag-asawa ng isang construction worker at 34-anyos na ginang matapos silang ipadakip sa pulisya ng tunay na asawa ng ginang sa Malabon City.

Sa tinanggap na ulat ni Malabon police chief P/Col. Albert Barot, humingi ng tulong sa mga opisyal ng Barangay Ibaba sa naturang lungsod ang tunay na asawa ng ginang, residente ng Brgy. Longos, makaraang madiskubre niya ang matagal ng pagsasama ng kanyang misis at ng lalaking kapuwa niya construction worker.

Matapos dalhin ng mister ng ginang ang mga katibayan ng kanilang kasal, kaagad na dinakip ng mga Barangay Tanod ang dalawa at dinala sa himpilan ng pulisya upang isailalim sa imbestigasyon kaugnay sa reklamo ng mister ng ginang.

Sa affidavit of arrest ng mga barangay tanod, pinatunayan nila na isang taon at tatlong buwan ng naninirahan sa kanilang barangay ang ginang at kinakasama na inakala nilang tunay na mag-asawa.

Nito lamang araw ng Lunes, isinampa ng pulisya ang kasong Adultery laban sa dalawa sa piskalya ng Lungsod ng Malabon batay na rin sa reklamo ng tunay na asawa ng ginang. Boysan Buenaventura