Magkapatid, 1 pa holdaper sa express rider, kalaboso

Magkapatid, 1 pa holdaper sa express rider, kalaboso

January 12, 2022 @ 3:30 PM 7 months ago


Isabela – Kalaboso ang tatlo kabilang ang magkapatid at isa pang suspek sa panghoholdap sa dalawang express rider sa ikinasang hot pursuit operations ng kapulisan dito sa nasabing lungsod.

Kinilala ang mga naaresto na sina Mack Jay Dela Cruz Venturina, 28 anyos, construction worker; Pee Jay Dela Cruz Venturina, 34 anyos, dating empleyado ng J&T express, kapwa residente ng Abra, Santiago City at isa pang kasamahan nila na si Randy Ignacio Andres, 46 anyos, construction worker at residente ng Diffun, Quirino.

Magugunitang naganap ang panghohold-up noong January 5, 2022 matapos tambangan ng mga suspek ang dalawang biktima na sina Jerick Tangalin at Ginalyn Flores, na patungo sana sa isang bangko upang magdeposito ng koleksyon na aabot sa higit isang milyong piso.

Pagkatapos ng insidente ay tumakas ang mga suspek sakay ng motorsiklo kung saan nahagip pa ng CCTV ang kanilang pagtakas.

Nakatanggap ang pulisya ng impormasyon mula sa isang informant kung saan namumukhaan umano nito ang mga suspek na nahagip ng camera.

Dito na agad nagsagawa ng hot pursuit operations ang mga kasapi ng Santiago City Police Station 1 at SCPO 2 na nagresulta sa pagkakadakip ng tatlong pinaghihinalaan sa lunsod ng Santiago at Probinsya ng Quirino.

Narekober ng mga operatiba sa pag-iingat ng mga suspek ang 120,000 pesos at mga items na binili gamit ang tinangay na pera.

Nakumpiska rin sa pag-iingat ni Andres ang isang kalibre 9mm pistol na mayroong magazine na kargado ng 5 bala at isang granada habang isang replica ng kalibre 45 pistol at isang granada din ang nakuha kay Peejay Venturina.

Agad na sinampahan ang mga suspek sa kasong robbery with intimidation, paglabag sa RA5916 at paglabag sa Omnibus Election Code may kaugnayan sa COMELEC Resolution No 10728 na pansamantala nasa piitan ng pulisya ang mga ito. (REY VELASCO)