Magkapatid huli sa buy-bust sa Nueva Ecija

Magkapatid huli sa buy-bust sa Nueva Ecija

June 4, 2021 @ 7:21 PM 2 years ago


NUEVA ECIJA – Kapwa arestado ang dalawang magkapatid na lalaki makaraang mabilhan ng ilegal na droga sa isinagawang drug buy-bust operation sa Barangay La Torre sa bayan ng Talavera nitong Huwebes ng gabi.

 Kinilala ni P/Lt. Col. Heryl Bruno, hepe ng pulisya rito, ang nahuling magkapatid na drug suspek na sina Allan Macapagal, 41, na kabilang sa Nueva Ecija Police Unified Drugs watchlist as pusher/user noong 2016, at ang nakatatandang kapatid nito na si Anwar Macapagal, 50, kapwa binata ng nasabing barangay.

 Ayon sa ulat, nahuli ang dalawa bandang alas-8:45 ng gabi nang kapwa umano nila binentahan ang police poseur-buyer ng umano’y shabu.

 Nakuha sa magkapatid ang 5 piraso ng plastic sachet ng umano’y shabu na aabot sa 10.50 gramo at nagkakahalaga ng P71,400; at ang ginamit na P500 bill ‘marked money’.

 Nakatakdang sampahan ng paglabag sa sections 5, 11 and 26 ng article 2 ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang magkapatid na Macapagal. — Ver Sta. Ana