Cotabato City – Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang magkapatid na magsasaka sa Cotabato kagabi.
Nakilala ang mga nasawi bilang sina Jerry Mijares, 44 anyos at kapatid nitong si Alex, 49 anyos, kapwa residente ng Sitio Quarry Barangay Malapag Carmen North Cotabato.
Agad namang natimbog ang suspek na si Joel Esguerra Talandron, kapitbahay ng mga biktima.
Ayon kay Police Supt. Bernard Tayong, tagapagsalita ng Cotabato Police Provincial Office (CPPO), pinasok ni Talandron ang tahanan ng mga biktima at pinagbabaril ang mga ito gamit ang kalibre.45 na pistola.
Agad namang tumakas si Talandron pagkatapos nang pamamaril.
Nahuli naman ang suspek sa follow-up operation ng pulisya at Barangay Peacekeeping Action Team o BPAT.
Bago pinatay ang mga biktima ay nagkaroon muna umano ng matinding alitan sa pagitan nila hinggil sa awayan sa lupa na kanilang sinasaka.
Patong patong na mga kaso ang inihain ng mga awtoridad laban sa naturang suspek. (Jeff Gallos)