Magkapatid na senior, natagpuang patay sa Maynila

Magkapatid na senior, natagpuang patay sa Maynila

March 17, 2023 @ 3:44 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Patay na nang matagpuan ang dalawang senior citizen sa loob ng isang bahay sa Sampaloc, Maynila Biyernes ng umaga, Marso 17.

Kinilala ang mga biktima na sina Elizabeth Porras y De Leon, 84-anyos, walang asawa, pediatrician at Alicia Porras y De Leon, 64, may sakit na schizophrenia at kapwa walang asawa na nakatira sa Verdad St., Sampaloc, Maynila.

Sa imbestigasyon ng MPD-Homicide Section, nagtungo umano ang witness na si Malou Veras sa bahay ng mga biktima upang magdala ng pagkain ngunit walang sumasagot kaya nagpasaklolo ito sa Lacson PCP.

Sa tulong ng pulisya, napasok ang tinutuluyang bahay ng mga biktima at tumambad sa kanila na wala nang buhay ang dalawang senior citizen habang nakahiga sa ikalawang palapag ng bahay.

Ang testigong si Veras ay kasambahay ng kaanak ng mga biktima na si Atty. Anna Patricia Jacobo.

Kasalukuyan pang iniimbestigahan ng MPD-Homicide Section ang insidente. Jocelyn Tabangcura-Domenden