Magkapatid na wanted, tiklo sa Pasay ops

Magkapatid na wanted, tiklo sa Pasay ops

February 19, 2023 @ 4:15 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Arestado sa isinagawang follow-up operation ng mga tauhan ng Pasay City Police Warrant and Subpoena Section (WSS) ang dalawang magkapatid na lalaki na nahaharap sa kasong sexual assault.

Ang magkapatid na suspects ay kinilala ni Pasay police chief P/Col. Froilan Uy na sina alyas Leo, 19 at ang kanyang nakababatang kapatid na si alyas Ben, 17, na nakatala bilang Top 9 at Top 10 wanted persons sa police gallery sa buwan ng Pebrero.

Ayon kay Uy, inaresto ang magkapatid na suspects dakong alas 12:20 ng tanghali sa Malibay, Barangay 164, Pasay City.

Ang pagdadakip sa magkapatid na suspects ay naisakatuparan sa bisa ng isang warrant of arrest na inilabas ni Pasay City Regional Trial Court (RTC) Judge Jehan Batua-Sampao-Hassiman ng Branch 11 na inisyu noong Nobyembre 23, 2022.

Sa inisyung warrant of arrest ng korte ay nakasaad din ang paglalagak ng halagang tig-P200,000 bilang piyansa kapalit ng kanilang pansamantalang kalayaan. James I. Catapusan