Camarines Sur- Patuloy nang sinisiyasat ng mga otoridad kung ang mga kinaing isaw at fishball ang tunay na ikinamatay ng magkapatid sa bayan ng Milaor, Camarines Sur.
Isinalaysay ni Mario Alba, ang ama ng mga biktimang sina Lyka, 10-anyos at Maryjoy, 13 anyos na kumain ang kanyang mga anak ng street food bago umuwi mula sa eskuwela.
Nagdala pa ng pasalubong din ang dalawa para sa kanilang kuya na si Jay-R, 14-anyos.
Pero makalipas ang ilang sandali pa ay nakaranas na ng pananakit ng tiyan at nagsimulang manghina ang mga bata.
Naisugod pa sa ospital ang magkakapatid ngunit binawian ng buhay ang dalawang babae.
Nasa ospital pa ang nakatatandang kapatid na patuloy na inoobserbahan ng mga doktor.
Dismayado ang pamilya ng magkapatid dahil hindi na nila matutukoy ang tindahan na pinagbilhan ng magkapatid. (Jeff Gallos)