Magkapatid timbog sa Las Piñas buy-bust ops

Magkapatid timbog sa Las Piñas buy-bust ops

May 22, 2022 @ 10:05 AM 1 month ago


MANILA, Philippines- Arestado ang dalawang magkapatid sa ikinasang buy-bust operation ng Las Piñas police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) kung saan nakuhanan ang mga ito ng P112,880 halaga ng shabu nitong Sabado.

Sa isinumiteng report ni Las Piñas police chief P/Col. Jaime Santos kay Southern Police District (SPD) director P/Brig. Gen. Jimili Macaraeg ay nakilala ang mga suspect na sina Randy Tianan, 41, at ang kanyang nakababatang kapatid na si Mark Anthony, 24, kapwa residente ng Las Piñas City.

Base sa imbestigasyon ay nakatanggap ng impormasyon ang SDEU tungkol sa iligal na aktibidad ng magkapatid kung kaya’t nagsagawa ang mga ito ng surveillance operation at nang magpositibo ang nakuhang impormasyon ay agad na ikinasa ang buy-bust operation.

Nagkaroon ng transakyon sa mga suspects ang mga awtoridad sa pamamagitan ng isang tauhan ng SDEU na tumayong poseur-buyer na nagkasundong magkita sa Durian St. Golden Acres, Barangay Talon Uno, Las Piñas City kung saan inaresto ang mga suspects.

Nakumpiska sa posesyon ng magkapatid na suspects ang 16.6 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P112,880, isang asul na coin purse at ang P200 buy-bust money.

Ang narekober na hinihinalang shabu na gagamiting ebidensya para sa pagsasampa ng kaso sa mga suspects ay dinala sa SPD Forensic Unit para sa chemical analysis.

Nahaharap sa kasong paglabag sa R.A. 9165 (illegal possession of prohibited drugs) sa Las Piñas City prosecutor’s office ang magkapatid na suspects na kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng lokal na pulisya. James I. Catapusan