Maglive-in partner patay sa nobyo ng anak

Maglive-in partner patay sa nobyo ng anak

July 1, 2022 @ 1:26 PM 2 months ago


LAUREL, Batangas- Patay ang mag-live in partner matapos pagtatagain ng umano’y kasintahan ng anak ng ginang sa loob ng kanilang bahay Linggo sa bayang ito.

Kinilala ang mga nasawi na sina Jovencio Magsino, 71-anyos, at kinakasamang si Rodela Cajila, 39-anyos, habang sugatan naman ang anak ang 15-anyos na anak ni Cajila at mga residente sa Barangay Molinete ng naturang bayan.

Nadakip naman ang suspek na kinilalang si Bonnie Abendanio alyas Bay, 48, Tagum City, Davao Del Norte at nakatira sa Brgy. Balakilong, Laurel, Batangas.

Batay sa report ng Laurel Municipal Police Station, dakong alas-7 ng gabi nang maganap ang krimen sa loob ng bahay ng mag-live in partner.

Lumabas sa imbestigasyon, sumugod ang suspek sa bahay ni Magsino na armado ng itak at walang habas na pinagtataga ang mga biktima sa iba’t ibang parte ng katawan na agad ikinasawi ni Magsino.

Dinala naman sa Dr. Ernesto Malabanan Memorial Hospital ang mag-ina at kalaunan ay inilipat sa Global Medical Center sa bayan ng Talisay subalit binawian rin ng buhay ang ginang habang patuloy na ginagamot ang anak na dalagita.

Matapos ang krimen mabilis na tumakas ang suspek patungo sa liblib na bahagi ng Barangay As-is at agad naman nadakip ang suspek sa ginawang manhunt operation ng pulisya.

Nabatid, na may relasyon ang suspek at ang dalagitang anak ni Cajila subalit nagalit ang huli ng malaman nitong ilalayo ng kanyang ina ang dalagita pagkatapos niyang bilhan ng motorsiklo.

Nahaharap ngayon sa kasong double murder at frustrated murder ang suspek. Mary Anne Sapico