MAGLUKSA PERO MAG-IMBESTIGA RIN

MAGLUKSA PERO MAG-IMBESTIGA RIN

July 8, 2021 @ 9:02 PM 1 year ago


SA gitna ng kanyang pagluluksa, uubrang palusutin si Defense Secretary Delfin Lorenzana sa pag-iwas niyang sagutin ang mga ispekulasyon tungkol sa integridad ng mga gamit panghimpapawid ng militar dahil nasa kalagitnaan siya ng rescue operations sa binagsakan ng C-130 Hercules plane.

Kahit pa sa mga susunod na araw matapos ang trahedya na ikinasawi ng 53, na karamihan ay sundalo, at ikinasugat ng mahigit 50 iba pa, karapatan ni Lorenzana, ng mga heneral, at lahat ng nasa militar ang magluksa.

Pero gaya nga ng sinabi ni Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon, pagkatapos ng aksidente sa Sulu, nakababahala kung paanong bumagsak ang isang bagong biling C-130 plane. Sa pagkawala ng buhay ng mga tauhan ng PAF at mga sundalo, sang-ayon ako na pagkatapos magluksa ng mga opisyal ng militar at Department of National Defense (DND), dapat matukoy kaagad kung ano talaga ang dahilan ng pagbagsak ng eroplano.

Ang pagkakatagpo sa black box kamakailan ay hudyat na dapat nang simulan ang imbestigasyon. Pero higit pa sa pagkuha ng mga detalye ng aksidente, batid ni Biazon, na namumuno sa House Committee on Defense and Security, na kailangang kuwestiyunin ang kalidad ng mga assets na binili ng Philippine Air Force at ang kakayahan nitong magsagawa ng maintenance operations.

Ito rin ang ipinunto ni Sen. Dick Gordon nang hilingin niya sa militar at sa DND na pag-aralang muli ang proseso sa pagbili ng mga air asset.

Medyo naging kritikal man si Gordon sa PAF, diretsahan niyang sinabi na ang aksidente nitong Linggo ay ang ikaapat nang pagbagsak ng PAF planes ngayong taon, kung saan mayroong mga nasawi. Bago pa nangyari ang pinakamatinding military air crashes sa ating kasaysayan, pito ang nasawi sa pagbagsak ng eroplano sa Bukidnon noong Enero; piloto ang namatay sa sa Bohol noong Abril; at anim ang nasawi sa Black Hawk sa Tarlac noong nakaraang buwan.

* * *

Sa kabutihang palad, positibo sa pakiramdam ang tuloy-tuloy na pagkaunti ng mga naitatalang kaso ng COVID-19 sa Pilipinas sa nakalipas na mga linggo. Nagbigay ito ng pagkakataon sa IATF upang malayang simulan ang pagpapasiglang muli sa ekonomiya, bawasan ang mga limitasyon sa pagbibiyahe, at buksan ang “green” lanes para buhayin ang turismo.

Gayunman, ang pagpapatupad ng mga bagong polisyang ito para sa pagpapaalagwa sa ekonomiya ay nakasalalay sa mga local government units (LGUs). Bilang halimbawa, tutukuyin ng Firing Line si Mayor Bernard Faustino Dy, na kaagad na ipinag-utos ang pagbubukas ng green lane para sa mga bibisita sa Cauayan City, Isabela. Ang siyudad na ito sa norte ang kauna-unahang LGU sa bansa na hindi na nag-oobliga ng RT-PCR test sa mga dumarating na turista.

Ang kailangan lang, iprisinta kapag bumisita sa Cauayan ang vaccination card. Matagal nang iginigiit nina Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat at Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion ang pagkakaroon ng vaccination passes para mapasigla muli ang domestic tourism at ang iba’t ibang industriyang nakadepende dito.

Sa kabila nito, mahalagang tandaan na nasa rehiyon tayo na laging nangungulelat pagdating sa pagtugon sa COVID-19, kung saan wala pang limang porsiyento ng mga populasyon ng karamihan ng bansa sa Southeast Asia ang ganap nang nabakunahan. Sa ngayon, mayroon lang 2.8 milyon dito sa atin ang nakatanggap na ng kanilang ikalawang bakuna – kakapiranggot na 2.5 porsiyento ng ating populasyon.

Bago pa tayo gumawa ng isa pang munting hakbang para sa ating ekonomiya, asintahin muna natin ang isang dambuhalang hakbang sa pagbabakuna para mas malaking bahagi ng ating populayon ang makapag-ambag nang sobra-sobra sa ating ekonomiya.