Hindilang sa panahon ng administrasyong Duterte nagaganap ang pagpatay sa mga pari at pastor.
Mayroon din sa nakaraang dalawang administrasyon at kung titingnan ang mundo, pinapatay rin ang mga pari, madre at seminarista sa ibang bansa.
Kaya naman, pinakamagandang pag-aralan nang husto ang mga pagpagpatay hindi lang para makilala at maparusahan ang mga may sala kundi mabigyan din ng katarungan ang mga pinagbibintangang wala namang kaalam-alam.
3 PAGPATAY
Tatlong pari ang pinatay sa nakalipas na mahigit anim na buwan.
Binaril si Fr. Marcelito ‘Tito’ Paez ng riding-in-tandem sa Jaen, Nueva Ecija noong Disyembre 2017.
Matapos magmisa, binaril din si Fr. Mark Ventura ng riding-in–tandem sa Gattaran, Cagayan noong Abril 29, 2018.
Nitong Hunyo 10, 2018, binaril din si Fr. Richmond Nilo ng ilang alaki habang nagmimisa sa isang kapilya sa Zaragoza, Nueva Ecija.
PASTOR AT PARI
Noon Hunyo 6, 2016, binaril ng riding-in-tandem ang Baptist Pastor na si Crisostomo Maternal Jr.
Niratrat naman ng nasa 45 armado si Fr. Cecilio Lucero noong Setyembre 6, 2009.
Pinatay naman sa saksak si Aglipayan Obispo Maximo Alberto Ramento noong Oktubre 3, 2006 sa kanyang kombento sa Tarlac City.
Pinagbabaril naman ng riding-in-tandem si Fr. William Tadena noong Marso 14, 2005.
LABAS NG PINAS
Ayon sa Agenzia Fidez, marami ang pinatay na pari, madre at seminarista sa iba’t ibang bansa noong 2016.
Sa Amerika, 9 pari at 3 madre ang pinatay
Sa Africa, 3 pari, 2 madre at 1 seminarisa ang pinatay at sa Asia, 1 pari, 4 madre at 2 sibilyan din habang 1 sa Europa.
Noong 1996 naman sa Africa, 7 Trappist monk ang kinidnap sa Motre Dame de Atlas sa Algeria at pinatay na rin ng Gia Islamists.
‘DI LANG SA PINAS
Malinaw na hindi lang sa Pilipinas nagaganap ang pagpatay sa mga pari at mga kauri ng mga ito.
Pinatay ng mga terorista ang mga Trappist monk dahil sa pagkakaiba sa relihiyon.
May mga sariling dahilan din ang mga pumatay sa mga nabanggit na relihiyoso sa Amerika, Africa at Asia gaya ng nabanggit natin.
Pero ang naganap sa Africa, bukod sa Algeria, pinaniniwalaang may kaugnayan sa pagkakaiba ng mga paniniwala ang dahilan.
SA PINAS
May mga haka-haka sa pagpatay kay Fr. Paez. Isa umano itong aktibista at pinagmamalasakitan nito ang mga mahihirap, katutubo at nabibilanggong rebelde sa kanyang lugar lalawigan.
Subalit hangga’t hindi nahuhuli ang mga pumatay, mananatiling haka-haka ang lahat.
Si Fr. Ventura naman ay kwestiyunable ang pagkamatay.
Subalit naririyan ang mga indikasyon na maaaring pinatay ito dahil sa iligal na relasyon nito sa ilang babae at isa rito ang nagkaanak.
Ang naanakan umano nitong babae ay napilitang makipaghiwalay sa sarili nitong mister.
Maaaring walang kaugnayan naman ang pamahalaan dito.
Kung sakaling totoo naman ang nakuhang impormasyon mula sa 4 nang nasakote sa walong pumatay kay Fr. Nilo, malinaw namang walang kaugnayan ang pamahalaan dito.
KONTRA DROGA
Si Baptist Pastor Maternal naman ay sinasabing pinatay dahil sa laban nito sa droga.
Masidhing nangangampanya umano si Maternal laban sa droga kaya maaari itong pinatay ng mga sangkot sa droga.
Pinatay rin si Fr. Juan Heraldo Viroche, ng Ntra Sra. Del Valle de La Florida sa Tucuman, Argentina.
At sinasabing ang kanyang laban sa drug trafficking ang pinag-ugatan nito.
Nasa 25 pari na rin ang napapatay dahil sa giyera sa droga sa Mexico sa nakalipas na 10 taon.
Kabilang sa mga biktima sina Rev Moises Fabila Reyes na kinidnap muna, Fr Ivan Anorve Jaimes and Fr Germain Muniz Garcia na parehong inambus.
Hanggang ngayon, pinapatay pa rin ang mga pari sa Mexico.
MAGING TOTOO
Pagkamatay na pagkamatay ang mga pari sa nakalipas na dalawang taon sa mahal kong Pinas, agad na itinuturo ang administrasyong Duterte na may kagagawan, sa kabila ng katotohanang ang mga gawain mismo ng mga pari ang pinag-uugatan ng kanilang kamatayan.
Nakapatataka ring itinuturing na kademonyohan ang nagaganap subalit hindi narinig ang boses ng mga kritiko sa pagkamatay ng mga Aglipayanong pari na may konek sa problema sa Hacienda Lusita.
Sa kabilang banda, kahanga-hanga naman ang pagsusubo ng ibang mga pari at pastor ng kanilang buhay laban sa droga o kaya para sa mga karapatang pantao o kaya para sa kanilang mga pananampalataya.
Siguro, napakahalagang mag-isip at magkalkal ng buong katotohanan ang lahat upang makalaya tayo sa mga kasinungalingan ukol sa pagpatay sa mga pari at kauri nila. – ULTIMATUM NI ANTIPORDA