Magna Carta for Barangay, inaasahang gagawing ganap na batas ni P-Duterte

Magna Carta for Barangay, inaasahang gagawing ganap na batas ni P-Duterte

July 16, 2018 @ 3:24 PM 5 years ago


 

Manila, Philippines – Inaasahan na ni Presidential spokesperson Harry Roque na maisasabatas na rin ang kanyang panukalang Magna Carta for Barangay.

Ang Magna Carta for Barangay ay isa sa kanyang itinutulak na panukalang batas noong siya ay isang kongresista pa lamang.

Nakapaloob dito na bigyan na ng suweldo ang mga Barangay Captain at mga kagawad, maging miyembro ng GSIS, miyembro ng  PhilHealth, at ang suweldo aniya ng mga Kapitan ay 80% ng suweldo ng mga konsehal ng bayan.

Sa ngayon kasi ay honorarium lang ang tinatanggap ng mga ito.

Kapag naging ganap aniya ang Magna Carta for Barangay ay kikilalanin na bilang empleyado at magkakaroon na ng retirements benefits ang mga Barangay Captain at mga Kagawad.

“Dahil importante naman po na tayo ay patungo na sa Pederalismo at kinikilala natin iyong importansiya ng mga lokal na mga pamahalaan,” ani Sec. Roque.

Ang magna carta for Barangay aniya ay panukalang batas na kumikilala sa mga Barangay Captain at mga Kagawad bilang empleyado ng gobyerno.

Ngayon aniya bagama’t ang mga ito ang mukha ng gobyerno sa nasasakupan nilang komunidad ay wala naman silang tinatanggap na suweldo.

Ito aniya ay pagkilala na talagang dahil napaka-importante ng papel ng mga barangay official ay marapat na kilalanin ng sambayanang Filipino ang mga ito bilang full time na empleyado ng  gobyerno.

“Pag natuloy ang Pederalismo, sigurado po iyan, magiging empleyado ng gobyerno ang ating mga barangay officials,” aniya pa rin.

Sa kabilang dako, tiwala naman si Pangulong Rodrigo Roa Duterte na bago siya bumaba ng kaniyang termino ay magkakaron talaga ng Charter Change (Cha-Cha) para sa Pederalismo.

Isa aniya sa panukalang batas na nais niyang maipatupad at maisulong ni Pangulong Duterte na maitataon sa Pederalismo ay ang Magna Carta sa barangay.

Ito ay kumikilala sa mga barangay na opisyales ng gobyerno at empleyado at saka iyong pagbibigay ng napakalaking development fund sa mga pamahalaang lokal.

Malaki-laki aniyang pondo kung saka-sakali ang mabibigay sa mga Local Government Units.

Kung hindi aniya doble ay kahit papaano ay kalahati at dagdagan pa ng 50 percent ang magiging Internal Revenue Allotment (IRA) ng mga lokal na pamahalaan.

“At ito naman po ay patungo na talaga sa Pederalismo, dahil ang Pederalismo naman ay kumikilala na iyong mga lokal na pamahalaan ang tunay na nakakaalam ng pangangailangan ng taong bayan at sila ay mas mabilis magbigay ng serbisyo sa ating mga kababayan,” aniya pa rin.

Pinalagan naman ni Sec. Roque ang pahayag ng oposisyon na isyu ng pera ang Magna Carta para sa barangay dahil kung tutuusin aniya ay sapat naman ang Local Government Code para ipatupad itong mga sinusulong ng Pederalismo.

“Hindi po, at hindi po totoo iyan. Inaaway ako ng kapwa ko Congressman, noong ako ay Congressman pa noong tinangka nating isabatas iyong ‘BRAVE’. Iyong BRAVE kasi magbigay ng isang bilyon sa probinsiya, kalahating bilyon sa siyudad, three (3) hundred million municipality, five (5) million kada barangay. Talagang tumutol po ang mga Congressman dahil ang mga Congressman eh sa tingin nila sila dapat ang mag-identify ng mga proyekto at alam naman natin na talaga namang napakadaming eskandalo kapag Congressman ang mga nagpapatupad ng mga imprastraktura ‘no,” litaniya nito. (Kris Jose)