Magna Carta for Barangays muling itinulak ni Bong Go sa Senado

Magna Carta for Barangays muling itinulak ni Bong Go sa Senado

July 8, 2022 @ 3:01 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Muling inihain ni Senator Christopher Lawrence “Bong” Go sa 19th Congress ang panukalang nagbibigay ng Magna Carta para sa mga barangay.

Ang Senate Bill ni Go ay naglalayong palakasin ang mga barangay na kinikilala ang kritikal na papel bilang pangunahing political unit ng bansa at frontliner sa paghahatid ng mga serbisyo ng gobyerno.

“Alam nating lahat na ang barangay at ang mga opisyal nito ay ang immediate provider ng frontline services sa ating mga kababayan.  Sila ang pinakaunang tinatakbuhan ng ating mga kababayan,” sabi ni Go.

Sinabi ni Go na kailangang pagbutihin pa ang mga barangay at tugunan ang paghihirap ng mga barangay officials.

Aniya, ang papel na ginagampanan ng mga opisyal ng barangay ang nag-udyok sa kanya para isulong ang magna carta para sa mga ito.

Ikinalungkot ng senador ang kawalan ng regular na sahod ng barangay officials at workers sa kabila ng kanilang mga tungkulin at responsibilidad, kaya patuloy niyang isinusulong ang mas magandang suweldo at benepisyo para sa kanila.

“Ang mga opisyal ng barangay ay frontliners ng ating gobyerno — unang tumugon, unang magbigay at unang maglingkod.  Sa kabila nito, nakatatanggap sila ng simpleng honoraria para sa kanilang serbisyo.  Kaya naman sa ilalim ng inihain kong panukala, ang mga opisyal ng barangay ay ituturing na bilang mga regular na empleyado ng gobyerno na tumatanggap ng mga benepisyo,” ani Go.

Sa kanyang panukala, ang punong barangay, mga miyembro ng sanggunian, ang Sangguniang Kabataan chairperson, ang barangay secretary at barangay treasurer ay magkakaroon na ng karapatan sa mga suweldo, emolument, allowance tulad ng hazard pay, representasyon at allowance sa transportasyon, 13th month pay at iba pang benepisyo.

Ang lahat ng barangay ay magkakaroon din ng mga pangunahing prayoridad, tulad ng pagtatayo ng kahit man lang pasilidad na pag-iinuman ng tubig para sa bawat 1,000 residente;  pampublikong transportasyon, isang kindergarten, isang elementarya para sa bawat barangay, isang high school para sa bawat 5 kilometro mula sa barangay center, isang health center at isang barangay hall.

Ang bahagi ng mga barangay mula sa iba’t ibang buwis ay dapat ding direktang ibigay sa kanila.  Ang lahat ng pampublikong pondo mula sa National Treasury para sa pagpapanatili ng mga kalsada at tulay ng barangay at mga katulad na gawaing konstruksyon ay dapat ding ilipat sa pangkalahatang pondo ng mga barangay.

Binanggit ni Go na ang kanyang panukala ay magbibigay-daan sa mga barangay na magtalaga ng sapat na barangay tanod para tumulong sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa kanilang mga komunidad bilang kapalit ng kasalukuyang set-up kung saan ang mga tanod ay limitado lamang sa 20.

Sa ilalim ng panukalang batas, ang Sangguniang Barangay ay bibigyan ng awtoridad na tukuyin ang nararapat na bilang ng tanod na may permanenteng status sa panahon ng administrasyon ng Sangguniang Barangay na nagtalaga sa kanila.  Magkakaroon din sila ng honoraria, allowance at iba pang benepisyo.

Sa nakaraang panayam, sinabi ni Go na dapat kilalanin ang barangay para patuloy silang maging produktibo sa pagtupad ng kanilang mandato.

“Tulad ng ibang kawani ng gobyerno, dapat ay ma-recognize at mabigyang importansiya ang kanilang papel sa ating komunidad,” idiniin ng mambabatas. RNT