Magna Carta for Informal Workers, itinutulak sa Kamara

Magna Carta for Informal Workers, itinutulak sa Kamara

December 5, 2022 @ 8:10 AM 2 months ago


Manila, Philippines – Sinimulan nang talakayin ng House Committee on Labor and Employment na pinamumunuan ni Rizal 4th District Rep. Fidel Nograles ang 11 mga panukalang batas na nagsusulong ng Magna Carta of Workers in the Informal Economy (Macwie).

Binigyang diin ni Nograles na panahon na para mailatag at matalakay sa Malaking Kapulungan ng Kongreso ang ukol sa Magna Carta para sa informal workers na tumaas sa 17milyon ang bilang dahil sa pandemya.

Sa datus na nagmula sa Department of Labor and Employment, lumalabas na 36.2 porsyento o 17 milyon ng kabuuang 47 milyong nagtatrabahong Pinoy ang nasa kategoryang informal workers.

“We see the need for the Magna Carta fort informal workers, who are growing in number as a result of the pandemic. Panahon na para paigtingin ang proteksyon at isulong ang mga karapatan nila, at makakaasa po ang ating mga kababayan na tututukan ng komite ang pagpasa nito,” ani Nograles.

Nakapaloob sa Macwie ang mga probisyong magbibigay o maglalatag ng basic labor rights, proper working conditions, mga benepisyo, pagkakaroon ng access sa credit facilities, capacity-building trainings at disenteng sahod.

Halimbawa nito ang mga ambulant vendors, maliliit na transport workers, construction workers, mga miyembro ng pamilya na tumutulong sa maliit na negosyo pero walang regular na sweldo at mga magsasaka.

Binanggit ni Nograles, na dahil wala silang mga pormal na dokumento para patunayan na sila’y empleyado, at walang mga benepisyong natatanggap ang mga informal workers, at hirap din silang hingin ang tulong ng pamahalaan kung sila’y naaabuso.

Ipinaliwanag ni Nograles na kung maipapasa ang Magna Carta, ay masasaklaw ang mga informal workers sa mga social protection programs at mabibigyan ng mga benepisyo kagaya ng maternity benefits.

“Ginagarantiya rin nito na hindi basta-basta mapapalayas ang mga informal workers sa mga lugar na piangtatrabahuan nila,” giit ng mambabatas. Meliza Maluntag