Magna Carta for Seafarers, anti-seaman?

Magna Carta for Seafarers, anti-seaman?

March 4, 2023 @ 7:45 AM 4 weeks ago


SA una, sobrang nagalak ang maraming samahan ng mga seaman dahil sa tinutulak ng Mababang Kapulungan na ngayo’y nasa second reading at t’yak ang pagpasa nito sa third and final reading lalo’t mismong si Pangulong Bongbong Marcos Jr. ang nag-certify nito bilang priority bill.

Pero teka, tila may nakatagong probisyon dito tungkol sa escrow account.
Ayon sa Association of Marine Officers and Ratings Inc., sinasabi sa probisyon nito na ang anomang monetary award para sa may-sakit o namatay na seaman mula sa National Labor Relations Commission (NLRC) o National Conciliation and Mediation Board NCMB) ay hindi agad makukuha nang nanalong manggagawang pandagat.

Sinasabi sa labor code na ‘final and executory’ ang anomang desisyon ng NLRC at NCMB na ang ibig sabihin na kapag ang ruling ay pabor sa seaman ay dapat agad ding makukuha ang benepisyo pero sa ‘anti-seaman’ na Magna Carta ay kelangan pang ‘makipagbuno’ sa mga higante at mapeperang shipping companies sa korte hanggang Supreme Court bago nila makuha ang benepisyo na talagang dapat ay para sa kanila, iyan ay kung maipanalo nila.

At iya’y kung may pera silang panggastos at mas matindi nito, kung buhay pa sila.
Sa halip na agad mapakinabangan ng may-sakit na seaman o ng pamilya nito ang benepisyo ay ilalagay muna ito sa isang escrow bank account at makukuha lamang kung tuluyang maipanalo sa Korte Suprema ng kaawa-awang may-sakit na seaman o ng kanyang pamilya na t’yak pag minalas-malas ay aabutin ng lima hanggang 10 taon!

“Kumabaga, aanhin pa ang damo kung patay na ang kabayo. Ang probisyong ito sa escrow ay malinaw na anti-seaman, kung hindi matatanggal ang maling probisyong ito ay para saan pa’t gagawin ang Magna Carta ito kung lumalabas ay para lamang sa interes ito ng manning agencies at ship owners,” ayon sa AMOR.

Sino pa bang seaman ang magpa-file ng claim kung alam niyang magbibilang siya ng ilang taon, saan naman siya kukuha ng panggasto sa kaso, sa pagpapagamot at gastusin ng kanyang pamilya habang naghihintay sa walang kasiguraduhang kaso sa korte?

“Natural, tatanggapin na lamang niya kung anoman ang sabihin at ibigay ng manning agency. Hindi ba sobrang dehado kami rito at pati ba naman sa usaping serbisyo ay mga amo pa rin namin ang panalo?” dagdag pa ng grupo.

Giit pa nila, kung isa sila sa tinatawag na ‘modern-day heroes’ ay dapat mabigyan sila ng ‘fair, reasonable and just treatment’ hindi lamang sa mata ng batas kundi sa aktwal na sitwasyon.

Matindi pa rin ang kanilang tiwala na pakikinggan ng mga mambabatas ang kanilang napakamahalagang usapin na dapat ay ibasura ng Kongreso.

Babantayan natin ito.