MAGNA CARTA OF FILIPINO SEAFARERS

MAGNA CARTA OF FILIPINO SEAFARERS

March 6, 2023 @ 2:02 AM 3 weeks ago


GAANO ba katotoo na kailangan ang pinal na desisyon ng Supreme Court ang anomang kaso ng mga marino o seaman bago nila makuha ang mga napanalunan nilang kaso laban sa manning agencies at may-ari ng mga barko?

Ayon sa Association of Marine Officers and Ratings Inc. ni Butch Elaba, nauugnay ang nasabing problema sa nilalaman ng Magna Carta of Filipino Seafarers ukol sa ‘escrow account’ ng seaman na mananalo sa kaso.

Sa escrow account, ilalagak sa bangko ang salaping napanalunan ng seaman sa kaso sa National Conciliation and Mediation Board (NCMB) o National Labor Relations Commission (NLRC) at hindi umano makukuha ito hanggang walang pinal na desisyon ang SC.

Hindi naman malinaw kung kasama sa ‘pinal na desisyon’ ang mga hindi inaapela na kaso.

Ayon kina Elaba at AMOR Seaman spokesman Jacinto Rivera, itinatadhana ng Labor Code of the Philippines as amended na sapat na ang mga desisyon sa NLRC o NCMB para makubra agad ng mga seaman ang kanilang mga claim.

Ngunit sa pagdaan ng mga kaso sa Court of Appeals at/o SC, tiyak umanong mabuburo ang kaso sa matagal na panahon na maaaring aabot pa sa isang dekado o higit pa.

Ang pinakamasama ay kung matalo pa sa CA at SC ang panalong kaso ng mga seaman.

Karaniwang nagke-claim ang mga seaman sa kanilang pagkabalda, pagkakasakit at wala sa katwirang pagsibak sa empleyo at mga ulila naman sa mga nasasawi.

Nasa 400,000 na umano ang mga seaman na mula sa janitor, cook at waiter, marine engineer at kapitan.

Baka lang pwede, Speaker Martin Romuladez, Senate President Migz Zubiri at Senator Bong Go, awtor ng katumbas na panukala sa Senado, na silipin ang “escrow account” dito?

Wala yatang kaamor-amor sa seamen ang escrow account na ‘yan kundi pawang sa manning agencies at ship owners!