MAGNITUDE 7.8 LINDOL MAUULIT SA PILIPINAS

MAGNITUDE 7.8 LINDOL MAUULIT SA PILIPINAS

February 18, 2023 @ 1:55 PM 1 month ago


SINASABI ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology na posibleng may maganap na magnitude 7.8 na lindol anomang araw mula ngayon sa Pilipinas.

Ito mismo ang sinabi ni Phivolcs  Director Teresito Bacolcol sa isang panayam kaugnay ng magnitude 7.8 na lindol sa mga bansang Turkey at Syria na ikinamatay ng mahigit 41,000 katao at ikinasugat ng libo-libong iba pa.

Bilang patunay, ipinaalaala ni Dir. Bacolcol na nangyari na ito sa bansa noong Hulyo 16, 1990 nang tumama ang magnitude 7.8 sa Baguio City, Cabanatuan City hanggang sa Dingalan Aurora.

Lumikha ng malaking bitak ng lupa ang lindol na ito mula sa Kayapa, Nueva Vizcaya hanggang sa Dingalan, Aurora nang maapektuhan ang Digdig fault.

Mula naman sa Nueva Ecija, bumitak din ang maraming lupa sa ilang lugar sa Pangasinan hanggang Baguio City.

Maraming gusali ang nagiba, gumuho o nasiraan, maging sa Metro Manila dulot ng nasabing lindol.

ANG PHILIPPINE FAULT

Itong tinatawag na Philippine fault ang isa sa mga dapat na bantayan dahil bitak ito ng lupa mula sa Bangui, Ilocos Norte hanggang Mati, Davao.

Mula sa Bangui, daraan ito sa Ilocos Region, Nueva Ecija, Quezon Province, Masbate, Leyte, CARAGA Region, Davao Gulf at Davao Oriental.

May paniniwala pa ngang naganap ang Cabanatuan-Baguio  quake dahil sa paggalaw ng 1,200 kilometrong bitak ng lupang ito.

At ang isang lindol kamakailan nga na naganap sa Davao de Oro na magnitude 6 ay galing umano sa Philippine fault.

Gayundin na konektado sa Philippine Fault ang lindol din kamakailan sa Masbate dahil gumalaw ang parte ng Philippine fault sa karagatan ng Masbate at Sibuyan at nasagi nito ang Masbate at Uson Fault.

KINATATAKUTANG WEST VALLEY FAULT

Itong West Valley Fault o Marikina Valley Fault ang isa sa pinakatatakutan ngayon dahil kada 400 taon, nagigising at namiminsala ito na posibleng pumatay agad ng 35,000-50,000 katao.

Eh, mahigit 365 taon na makaraan ang pinakahuling paggising nito kaya naman, anomang araw magigising at muling maminsala ito.

Magmula sa Dona Remedios Trinidad, Bulacan ito hanggang sa Canlubang sa Laguna pero alalahaning may sanga-sanga pa itong 100 kilometrong bitak ng lupa.

Mula Bulacan, tatakbo ito sa Quezon City, Marikina, Pasig, Taguig, Muntinlupa, Carmona, Cavite, Binan, Sta. Rosa at Calamba, Laguna at Tagaytay, Cavite.

Ang isang babala ng Phivolcs, mag-ingat din dito ang Ilocos Region.

Komunsulta na lang kayo sa Phivolcs kung paano magkaugnay ang lindol sa Ilocos Region at ang West Valley Fault.

  • READY NA BA TAYO?

Dapat lang na ready na tayo sa posibleng magnitude 7.8 na lindol.

Pero, anak ng tokwa, sapat ba ang ‘yang “drop, cover and hold” na gawin sa parang pinagpatong-patong lang na bibingka ang lahat ng palapag ng gumuhong gusali?

Basta magsanay tayo para maging always ready.