MAGPABAKUNA, MAGBANTAY VS OMICRON XBB AT XBC VARIANTS

MAGPABAKUNA, MAGBANTAY VS OMICRON XBB AT XBC VARIANTS

October 22, 2022 @ 4:40 PM 1 month ago


DAPAT pa ring mag-ingat tayo nang todo laban sa coronavirus disease-19.

Pero hindi lang tayo mag-ingat kundi magpabakuna o kaya’y magpa-booster shot.

Ayon sa Department of Health, may 81 nang natagpuan kinapitan ng Omicron XBB habang may 198 XBC.

Ang pinakamahalagang pagkakaiba, mga Bro, ay ito: may namatay na limang kinapitan ng XBC habang wala pang nasasawi sa mga may XBB.

Isa pa, mas mabilis na makahawa ang mga may XBC at kitang-kita naman sa rekord sa itaas.

Hindi lang ‘yan, ang XBC ay mas nakahahawa talaga maging sa ibang bansa sa Europa at Amerika.

ANG XBC VARIANT

Itong XBC variant pala, mga Bro, ay pinaghalong Delta variant at BA.2 o stealth omicron kung tawagin.

Stealth dahil hindi namamalayang pumapasok sa katawan ng tao dahil hindi basta madidiskubre ito sa ilong at lalamunan na siyang mga kinakayod o kinakalikot para sa COVID test.

Maalala pa ba ninyo ang Delta variant naman?

Ito ang tumira sa India na kinasaksihan ng mundo nang sobrang dami ang mabilis na namamatay.

At dahil punuan na ang mga sunugan ng bangkay noon, itinatapon na lang ang mga bangkay sa ilog o kaya’y sinusunog sa tabing dagat o tabing ilog.

Eh kung pinagsama ngang Delta variant at Omicron BA.2 ang XBC, anak ng tokwa, magbantay-bantay at lumaban tayo.

Mahirap na.

PAANO MAGBANTAY AT LUMABAN?

Dalawang pinakamahalagang hakbang ang dapat na gawin.

Una ang pagsunod sa mga patakarang pinaiiral ng mga awtoridad laban sa COVID-19, kabilang na ang social distancing, pagsusuot ng face mask sa mga matatao at kulob na lugar, paghuhugas ng kamay at iba pa.

Siyempre pa, ikalawa ang pagpapabakuna o pagpapa-booster shot.

Alalahaning sinasabing makaraan ang anim hanggang walong buwan, wala nang bisa ang mga bakuna kaya naririyan ang dapat na kumpletong bakuna at booster shot na hindi lang iisa kundi dalawa.

Lahat, mula sa bata hanggang matanda, ang dapat gumawa ng mga pagbabantay at pakikipaglaban.

30 MILYONG ESTUDYANTE

May 27 milyong estudyante sa buong bansa na sakop ng Department of Education sa ilalim ni Vice President Inday Sara mula sa senior high school pababa sa kindergarten.

Tinataya namang nasa 3 milyon ang nasa kolehiyo, kasama na ang mga pumapasok sa TESDA at iba pa.

Sa parte ng mga estudyanteng nasa public schools, tila tuluyan nang paiiralin sa darating na buwan ang face-to-face classes subalit blended learning naman ang sa private schools.

May mga kolehiyo na ring pinapapasok na ang mga estudyante para sa face-to-face classes bagama’t may nagpapairal pa rin ng blended learning.

Hindi biro ang milyon-milyong estudyanteng nakaugnay sa mga titser, pasahero sa mga sasakyan, mamimili sa mga mall at palengke at iba pa.

Paano kung kapitan sila ng XBB at XBC?

Silang mga kabataang mag-aaral ay ispesyal sa atin lalo na kung iisipin na kung may nahawa sa kanila, damay-damay ang marami hindi lang sa kanilang hanay kundi maging sa iba pang nauugnayan nila.

O magbantay at lumaban ang lahat.