Humihiling ngayon ang mga local government executives na madagdagan ang kanilang police security ‘pagkat kinakabahan sila sa sunod-sunod na pagpatay ng mga hindi pa kilalang gunman sa kanilang kapwa mayor at vice mayor.
Hiwalay pa rito ang nangyayari ring pagpatay sa ilang konsehal. Kailan lang din sa kainitan ng kampanya noong halalang pambarangay, may pinatay na kongresman sa gitna ng meeting de avance.
Mabuti naman at wala pang nababalitang pinaslang na gobernador at bise-gobernador. ‘Wag naman sanang mangyari.
Pero kung may isa mang gobernador d’yan na sobra talagang walanghiya, kurap o sabit sa droga, hindi naman natin idinarasal na siya ay mapatay na rin. Dapat ngayon pa lang ay magbago na siya.
Ang mga nakalipas na pagpatay kina Mayor Tony Halili ng Tanauan, Batangas, Mayor Ferdinand Bote ng Gen. Tinio, Nueva Ecija at Trece Martires Vice Mayor Lubigan ay nagpapakita na ang kahit na sino pang siga o maimpluwensiya sa kanyang nasasakupan ay kayang itumba kung ang taong papatay ay sadyang determinado.
Aba’y ang paggamit ng “sniper” laban kay Mayor Halili ay bagong pamamaraan para targetin ang mga pulitiko.
Karaniwan, ambush ang ginagawa ng mga salarin kapag may pulitikong gustong todasin. Ang iba, nagtatanim ng bomba sa sasakyan o kung nasaan mang lugar halimbawa ang target.
Nandadamay pa ng mga sibilyan ang mga suspek.
E bakit ba pinatay sina Halili, Bote at Lubigan?
Para sa kanilang pamilya, mga kaanak at supporters ay wala silang kasingbait. Bayani pa nga ang tingin sa kanila ng ilan.
Ngunit may ilan, masakit mang aminin, ay nagsasalita rin ng negatibo sa mga pinaslang. May nagsasabi na dapat lang sa kanila ang nangyari. At diyan nagkakaroon ng mga debate.
Hindi matatapos ang usapan hanggang hindi lumalabas ang kumpirmado at pinal na isinasagawang pagsisiyasat ng mga awtoridad.
Sa ngayon ay maraming tanong:
Baka pinatay sina mayor at vice mayor, konsehal o kongresman dahil sa siya’y sobrang walanghiya?
Baka siya’y kurap o maraming ninanakaw na salaping bayan? Baka sangkot sa iligal na sugal o iligal na droga?
Baka ang taong pumatay sa kanya ay dumanas ng kanyang pang-aabuso?
Patunay ito na maraming posibleng motibo para patayin ang isang pulitiko.
Posibleng ipinapatay ng kaaway o karibal sa pulitika?
Ngunit ang nakatutuwa sa pangyayari, opo nakatutuwa at nakatatawa, nakikita natin ngayon na marunong din naman pala matakot at maduwag ang mga hari-haring pulitiko lalo sa mga probinsiya.
Hindi ba’t maraming mayor na akala mo’y sila na ang Diyos sa kanilang nasasakupan kung magsiasta.
Kaya nga ang ilan ay nagagawa ang lahat ng iligal na nais nilang gawin. Ang lalaki ng bahay at ang mamahal ng mga sasakyan.
Mga warlord ang iba kung tawagin. Kontrolado at manipulado ang kanilang balwarte dahil may mga hawak na armadong grupo.
Ngayo’y animo’y mga kaawa-awa at inaargabyado sa paghingi ng dagdag na police protection. E ‘di wow!
Kaya tama lang si PNP chief, Director General Oscar Albayalde na tablahin ang request ng LGUs na dagdagan sila ng police personnel bilang bodyguards.
Imbes nga naman na i-assign ang mga pulis bilang bantay ni pulitiko, ikalat na lang sila sa lansangan upang magpatrolya.
Higit naming kailangan sa mga pampublikong lugar ang proteksyon ng mga pulis.
Kina mayor, vice mayor at iba pang pulitiko, oras na para kayo’y magpakatino para hindi nananayo sa takot ang inyong mga balahibo.
- SA KANTO’T  SULOK NI TABOY