MAGPALISTA NA SA’ REGISTER ANYWHERE PROJECT’ NG COMELEC

MAGPALISTA NA SA’ REGISTER ANYWHERE PROJECT’ NG COMELEC

January 20, 2023 @ 1:28 AM 2 weeks ago


INILUNSAD na ng Commission on Election ang “Register Anywhere Project ” nito na naglalayong mairehistrong muli ang mga natanggal sa listahan na mga botante o kaya nama’y mga bagong botante.

Maganda ang layunin ng programang ito dahil ‘yung mga nawala na sa voters’ list ay maaari nang magpa-re-activate.

Isa pa ‘di na nila kailangan pang lumayo  dahil gagawin ito sa mga piling malls at ilang ahensya ng gobyerno sa bansa.

Simula noong Enero 12 ay tumatanggap na ang lahat ng RAP sites ng ‘application for reactivation’ ng lahat ng mga botante na na-deactivate sa voters’ records dahil sa hindi pagboto ng dalawang beses na magkasunod o higit pa.

Isinasagawa na ang pagpaparehistro mula nitong Enero 14-15 at 21-22 tuwing Sabado at Linggo sa SM City Sucat, Parañaque City; SM City Mall of Asia, Pasay City; SM City Fairview, Quezon City; Robinson’s Place Manila, Ermita, Manila; Robinson’s Place Galleria, Ortigas, Quezon City; SM City Legazpi, Legazpi City; Robinson’s Place Naga, Naga City; at Robinson’s Place Tacloban, Tacloban City.
Tatanggap din ng mga aplikasyon sa Enero 25 ang RAP site sa Senate of the Philippines sa GSIS Complex sa Pasay City; sa Enero 25-26 sa RAP site din sa House of Representatives, Batasang Pambansa, QC; at sa Enero 10-13 at Enero 16-20 sa RAP site rin sa Government Service Insurance System Main Office, GSIS Complex, Pasay City.
Ang inyo lamang gagawin kung nais ninyong maka-boto muli, lalo na sa darating na ‘mid-term elections’ sa 2015, ay mag-accomplish lamang ng isang kopya ng application form (at Supplementary Data Form para sa Senior Citizens at PWDs) na libreng ipinamimigay ng COMELEC. Kailangan din na magdala ang aplikante ng mga balidong ID mula sa gobyerno.
Tinatanggap rin sa RAP sites ang registration ng mga: 1. Bagong Botante para sa SK Elections (at least 15 years old on or before October 30, 2023); 2. Bagong Botante para sa Barangay, Local and National Elections (at least 18 years old on or before October 30, 2023); at 3. Transfer of Registration Records.
Maaari rin ang mga sumusunod: 4. Registered Overseas Voters na babalik na sa Pilipinas at gusto ng bumoto sa parating na Barangay at SK Elections; 5. Mga Residente ng Lungsod o Munisipyo kung saan merong RAP (kaakibat at dagdag pa sa mga regular registration sa opisina ng Local COMELEC at sa mga Mall Registrations pati na ng Barangay Satellite Registrations); at 6. Mga Senior Citizens at mga Persons with Disabilities  na bagong botante o magpapa-update ng kanilang Voter’s Registration Records.
Samantalahin n’yo na ang programang ito ng COMELEC mga kababayan ko para kayo ay muling makaboto sa parating  na Barangay Elections sa taong  ito, o sa mid-term elections sa 2025.
Inaasahang maganda ang labanan sa 2025 lalo na sa Senado dahil marami pihadong lalahok na mga kandidato.  Mara­mi man  re-electionist, may mga bagong sasabak at mga taga-showbiz pa na nais pasukin ang politika.
Pero ‘di kayo masasali o makaboboto kung ‘di kayo mag-a-apply sa RAP ng COMELEC.

oOo   oOo   oOo

Assalamu Alaikum Warahmatullahi Wabarakatuh!