MAGPAREHISTRO SA BATAS NA MAY BUTAS

MAGPAREHISTRO SA BATAS NA MAY BUTAS

December 21, 2022 @ 1:18 PM 2 months ago


MATITIGIL o kundi man ay mababawasan na ang mga panloloko at panggagantso ng ating magagaling na kababayan gamit ang cellular phones.

Ang pang-ii-scam ng karamihan sa pamamagitan nang pagpapadala ng anomang kaengga-engganyong text messages ay mahihinto na rin dahil sa bagong batas na ito.

Ang Republic Act No. 11934 o ang “SIM Card Registration Act” ay pagtitibayin na simula sa darating na Disyembre 27.

Ito ay matapos ding mailabas ng National Telecommunications Commission ang implementing rules and regulations ng batas sa pagpapatupad nito.

Kaya makibahagi na sa pamamagitan nang pagpaparehistro ng inyong SIM Card.

Pero parang may butas ang IRR ng batas, dahil isa sa mga hinihinging mga requirement sa pagrerehistro ay pagsa-submit ng anomang pagkakikilanlan gaya ng identification cards o IDs. Halimbawa na ang Passport; Philippine Identification System ID, o Philippine Identification Card; Social Security Service ID; Government Service Insurance System e-Card; Driver’s License; National Bureau of Investigation clearance; Police clearance; Firearms’ License to Own and Possess ID; Professional Regulation Commission ID; Integrated Bar of the Philippines ID; Overseas Workers Welfare Administration ID; Bureau of Internal Revenue ID; Voter’s ID; Senior Citizen’s card; Unified Multi-purpose Identification Card; Persons with Disabilities card; o kaya’y kahit anong valid government-issued identification na may litrato ng nagpaparehistro.

Ang butas ng IRR ng batas ay nasa huling bahagi ng listahan ng ID na pwedeng isubmit. Ang sabi kasi, kahit anong valid government-issued identification na may litrato.

Ibig sabihin, kahit Barangay ID na kinukuha sa ating mga barangay at pinipirnahan ni Barangay Kupitan, ehem, Barangay Kapitan pala, ay pwede na ring ipasa.

Ito ang magiging daan ng mandaraya at manloloko nating kababayan na mga scammer. Dahil bukod sa mura ang pagkuha ng barangay ID, minsan ay libre pa nga kung dikit ka kay Kupitan, ehem, Kapitan pala.

Madali kasi rin itong mapeke.

Kung sa ganitong paraan magrerehistro ang iba sa ating mga kababayan, dahil on-line naman ang pagrerehistro, baka mabale-wala ang layunin ng bagong batas.

Kasi paano mo mahuhuli ang nagpatehistrong SIM Card user kapag nang-scam ito, kung gamit naman ay pekeng ID?
Yan ang butas na nakalimutan himayin ng ating mga mambabatas.
oOo oOo oOo oOo

Assalamu Alaikum Warahmatullahi Wabarakatuh!