Magpinsan patay, 1 kritikal sa pananaga ng kaanak

Magpinsan patay, 1 kritikal sa pananaga ng kaanak

May 28, 2021 @ 1:29 PM 2 years ago


SIPALAY CITY – Patay ang magpinsan habang kritikal ang isa pa makaraan pasukin ang mga ito sa loob ng kanilang bahay at walang habas na pinagtataga ng isa nilang kaanak, iniulat kahapon sa lungsod na ito.

Kinilala ang nasawi na sina Percy Lugay, 36-anyos at Robert Gabunada, 34-anyos habang kritikal naman sa ospital ang ama ni Robert na si Rudy Gabunada, 64-anyos at pawang mga residente sa Sitio Buyog, Barangay Nabulao, Sipalay City, Negros Occidental.

Nadakip naman ang suspek na kinilalang si Douglas Gabuya, 55-anyos at residente sa nasabing lugar.

Ayon kay P/Maj. James Latayon, hepe sa Sipalay City Police Station, naganap ang krimen Miyerkoles ng gabi sa nabanggit na lugar.

Lumabas sa imbestigasyon, nanonood ng paboritong palabas sa telebisyon si Lugay sa loob ng tahanan ng kaanak nitong si Mary Navales nang biglang sumulpot ang suspek na armado ng itak.

Dito, pinagtataga sa iba’t ibang parte ng katawan ang biktima na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan.

Sunod naman pumasok si Gabuya sa bahay ng mag-amang Gabunado at una nitong nakita si Robert saka pinagtataga sa iba’t ibang parte ng katawan ng na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan.

Tinangka naman awatin ng matandang Gabunado ang suspek pero maging siya at pinagtataga sa mukha, likod at iba pang parte ng katawan.

Matapos ang krimen mabilis na tumakas ang suspek habang dinala naman sa ospital si Rudy para lapatan ng lunas.

Nagsagawa naman ng follow-up operation ang pulisya na nagresulta sa pagkadarakip sa suspek.

Sa himpilan ng pulisya sinabi ng suspek na paghihiganti ang motibo nito sa krimen.

Sinampahan na ng 2 kasong pagpatay at frustrated murder ang suspek. Mary Anne Sapico