Manila, Philippines – Matapos patumbahin si Argentine knockout artrist Lucas Matthysse sa kanyang kumbinsidong panalo para maangkin ang regular WBA championship belt, pinayuhan si Pambansang Kamao Manny Pacquiao mismo ni Pangulong Duterte na magretiro na sa boksing.
Ngunit gaya ng inaasahan, tumanggi si Pacquiao sa suhestyong isabit na niya ang kanyang gloves sa pagsasabing ayaw pa niyang magretiro dahil kaya pa umano niyang lumaban sa ibabaw ng parisukat na ring.
Nais ni Pangulong Duterte na magretiro na si Pacquiao sa boksing habang malakas pa ang Pinoy ring icon sa pagsasabing naipakita nang lahat ng matalik na kaibigan ang lahat nitong galing at talento sa naturang sports bukod sa sobra-sobra na ang naibigay na karangalan sa bansa ng Pambansang Kamao.
Sinabi ng Pangulo na alam niyang hindi pa titigil sa boksing ang fighting-senator pero kung siya ang tatanungin ay mas magandang magretiro na si Pacquiao.
Marami na rin aniyang pera si Pacman at nararapat na mag-enjoy na lamang sa buhay, kasama ang buong pamilya.
Personal na pinanood ng Pangulo ang pagpapatumba ni Pacquiao kay Matthysse sa ikapitong round sa kanilang laban na ginanap sa Kuala-Lumpur Malaysia.
Katabi ni Pangulong Duterte sa upuan si Malaysian Prime Minister Mahathir Mohamad.
“I said he’s 39. Not because he cannot win or lose, but I’d like to see my friend rest on his laurels at this time and enjoy life,” ayon sa Pangulo.
“He has so much money already, no problem,” dagdag niya.
Pero para kay Pacquiao, wala pa sa plano niya na magretiro sa sports na kanyang kinahuhumalingan.
Sinabi ng fighting senator na darating din naman ang panahon para siya ay mamahinga.
Nilinaw niya na tanging ang boksing ang kaniyang kinahihiligan at masaya siyang nagdadala ng kasiyahan at karangalan sa bansa.
“Like I said I’m not done, I’m still here. It’s just a matter of time you got to rest then get it back. I owe it to my country,” diin ni Pacquiao.
Ang panalo ang ika-60 ni Pacquiao at pang-11 world title.
Siya ang natatangi o kaisa-isang boksingero sa buong mundo na nagkamit ng 8 titulo sa walong magkakaibang bigat o dibisyon. NATS TABOY