NAKIKITA ko sa panahong ito, ang ating mga magsasaka ay nagkakaedad na at wala halos ako makitang kabataan, kung meron man, ang pwedeng pumalit sa kanila.
Sa aming mga taga-Nueva Ecija halimbawa, ang pinakabatang magbubukid ay singkwenta’y singko (55) ang edad. Halos karamihan ay mas may edad pa sa kanya.
Bakit ko idini-discuss sa inyo ito? Unang-una at alam naman nating lahat, ang mga magsasaka at lalahatin ko na pati mga magbubukid, ang dahilan, kung bakit may pagkain tayo sa ating mga hapag kainan.
Sila ang dahilan bakit may mga nabibili tayo sa ating mga palengke ng mga pagkain.
Marami kasi ang mga nagmumungkahi na kailangan daw nating bumalik sa pagtatanim ng mga ‘hybrid’ na bigas at mga gulay. Ang iba pa nga ay nagmumungkahi ng pagtatanim sa mga siyudad para daw makasiguro tayong may kakainin.
Ang sa akin naman ay ito – bakit ‘di natin suportahan ang mga magbubukid palay man o iba pang agricultural products ang itinatanim.
Suportang nangangahulugan ng mga pagbibigay ng mga tamang pag-aaral sa pagtatanim. Suportang nagbibigay insentibo sa lahat na magbubukid, gaya ng mataas na presyo sa pagbili sa kanilang mga ani; libre o kaya naman ay murang mga pataba sa lupa, irigasyon at kung pwede nga lamang ay direktang pinansiyal na tulong, maging pautang man ito sa mababang interes, o kaya naman ay bigay na lamang talaga.
Sa ganitong paraan kasi nakikita ko na makaeengganyo tayo ng mga kabataan na iaalay ang mga sarili bilang magsasaka o’ mawiwili sa bukid.
Bukod sa nakatitiyak tayo na laging may pagkain sa ating mga hapag-kainan ay di tayo kakaba-kaba na balang araw ay wala nang magsasaka o magtatanim.
Kung tututukan natin ang kahalagaan ng ating mga magbubukid ay pihadong mayroon tayong kasiguruhan sa ating mga pagkain sa buong bansa na ang aking tinutukoy dito ha?
Kung alalayan natin kasi ang mga magsasaka at mga magbubukid, tiyak na dadaloy at uunlad ang pagsasaka at pagtatanim at sigurado akong tuloy-tuloy din ang bilang ng mga magsasaka at magbubukid kahit magsaling- lahi man tayo.
Parehong mahalaga ang magsasaka at bigas, ngunit kung wala tayong magsasaka paano tayo magkakaroon ng bigas?
oOo oOo oOo
Assalamu Alaikum Warahmatullahi Wabarakatuh!