Magsasaka itinumba ng 2 nagpakilalang ‘intel’

Magsasaka itinumba ng 2 nagpakilalang ‘intel’

June 20, 2022 @ 12:10 PM 1 week ago


ILOCOS SUR- Tigok ang isang 37-anyos na lalaki matapos pagbabarilin sa loob ng Liberty Sayaan Sari-Sari Store sa Brgy. Poblacion Norte, Lidlidda ng lalawigang ito kagabi ng dalawang hindi nakilalang mga suspek.

Kinilala ng Lidlidda Police ang biktima na si Mark Anthony Sayaan y Belisario, may asawa, residente ng naturang lugar.

Ayon sa pahayag ni Liberty Sayaan y Anioay, asawa ng biktima, ang dalawang suspek ay nagpunta sa kanilang store  at nag-order ng dalawang redhorse.

Isa sa mga suspek ang nagtanong  kung may mga drug lord sa kanilang lugar at pagkatapos ay sinabing mga “INTEL” sila.

Biglang tinutukan ng mga suspek ng baril si Liberty at pilit na itinutulak ang pinto para pasukin ito.

Nang lumabas  mula sa isang  pintuan ang biktima, bigla na lang siyang pinagbabaril ng isa sa mga suspek samantalang ang isa naman ay mabilis na kinuha ang Cash Box na naglalaman ng P7,000.00, mga alahas na nagkakahalaga ng P74,000.00, at dalawang cellphone na nagkakahalaga ng P18,000.00

Mabilis umanong tumakas ang dalawang suspek matapos na maisagawa ang pamamaril at pangungulimbat.

Isinugod naman ang biktima sa Candon General Hospital sa Candon City, Ilocos Sur ngunit idineklara itong dead-on-arrival ng umatending doktor.

Patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng mga otoridad para tukuyin ang pagkakakilanlan ng dalawang suspek na pumatay sa biktima. Rolando S. Gamoso