Magsasaka kinatay sa nawalang kapares ng tsinelas

Magsasaka kinatay sa nawalang kapares ng tsinelas

January 10, 2023 @ 4:03 PM 4 weeks ago


ANGADANAN, ISABELA- Patay ang isang magsasaka matapos itong saksakin dahilan sa pinagbintangan umano ito na nagtago ng kapares ng tsinelas sa Brgy. Rang Ayan, Mallig, Isabela.

Kinilala ang biktima na si Joel Alvarez, 46-anyos, may asawa, isang magsasaka, at residente sa nabanggit na lugar.

Habang ang suspek ay kinilalang si Rodrigo Bonita, 48-anyos, may asawa, isa ring magsasaka at residente ng Brgy. San Jose Sur, Mallig, Isabela.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, si Rodrigo ay dumalo at nakipag-inuman sa isang birthday celebration saka tumungo sa bahay ni Joel kasama ang kaniyang anak na si Rodolfo Bonita.

Kinompronta umano ni Rodolfo si Joel tungkol sa nawawalang kapares ng kaniyang tsinelas ngunit sinabi ni Joel na hindi nito kinuha ang kapares ng tsinelas na siyang simula ng kanilang pagtatalo.

Dahil dito, itinulak umano ni Rodrigo ang gate ng bahay ni Joel saka ito sinaksak ng dalawang beses.

Matapos ang pananaksak, agad tumakas ang mag-amang Bonita sakay ng kanilang motorsiklo habang dinala naman ng kaniyang mga kaanak sa pagamutan ang biktima.

Nagsagawa ng hot pursuit operation ang Mallig Police Station kung saan nadakip ang suspek sa kanilang farmhouse sa Brgy. San Jose Sur at dito narekober ang isang jungle bolo na may dugo na hinihinalang ginamit sa pananaksak na dahilan ng pagkamatay ng biktima. Rey Velasco