Magsasakang nanggahasa ng estudyante, timbog

Magsasakang nanggahasa ng estudyante, timbog

January 27, 2022 @ 9:46 AM 8 months ago


ISABELA-Naghihimas na ng rehas na bakal ang isang magsasaka na nanggahasa ng estudyanteng menor de edad matapos mahuli ng pulisya sa Brgy. District 4, Tumauini, Isabela.

Sa ipinarating na ulat ni PMaj. Junniel Perez, hepe ng Tumauini Police Station kay PCol. Julio Go, Acting Provincial Director ng Isabela Police Provincial Office o IPPO, ang akusado na binansagang Top 1 Municipal Level Most Wanted Person sa ilalim ng COPLAN “ANTA” ay kinilalang si Melito Galicia, 33 anyos, walang asawa, at residente ng Brgy. Antagan 1, Tumauini, Isabela.

Si Galacia ang dahilan ng ilang araw na pagkawala ng biktima hanggang siya ay natagpuang nakahandusay malapit sa may construction site na walang suot na pang ibabang saplot noong ika-10 ng Hulyo, 2021.

Ang nasabing pangyayari ay agad  tinugunan ng kapulisan nang matanggap ang impormasyon mula sa isang barangay opisyal.

Ang akusado ay inaresto ng kapulisan ng Tumauini Police Station na pinangunahan ni PLt.Windel Oliver Intel Officer sa direktiba at pamumuno ni PMaj. Perez ng nasabing himpilan.

Ang nasabing akusado ay nahaharap sa dalawang beses na panggagahasa (2 counts of rape) na walang inirekomendang piyansa sa bisa ng Mandamiento de aresto na inilabas noong November 18, 2021.

Pansamantala nasa kustodiya ng pulisya ang akusado para sa kaukulang dokumentasyon bago ipasakamay sa court of origin. Rey Velasco