Magsayo bagong mukha ng PH boxing

Magsayo bagong mukha ng PH boxing

February 1, 2022 @ 11:26 AM 8 months ago


MANILA, Philippines – Isa na ngayon si Mark Magsayo sa mga bagong mukha ng Philippine boxing matapos talunin si Gary Russell Jr., ayon sa beteranong boxing analyst na si Atty. Ed Tolentino.

Si Magsayo, 26, ay nanalo ng WBC world featherweight title nang talunin si Russell sa pamamagitan ng majority decision nitong nakaraang buwan. Hawak nito ang professional boxing record na 24-0 na may 16 knockouts.

“Bata pa siya at undefeated, why not? Isa siya sa mga bagong mukha ng boksing at kailangan natin ito. Kailangan natin ng young blood dahil iyon ang buhay ng boxing, sila ang cycle ng buhay at kailangan natin iyon,” ani Tolentino.

“Si Nonito Donaire ay 39 taong gulang na at marahil sa taong ito ay tatapusin na niya ang kanyang karera para makasama si Manny Pacquiao sa pagiging retirado, pagkatapos ay nariyan sina Jerwin Ancajas at John Riel Casimero.”

Naging panglimang Pinoy si Magsaya na naging kasalukuyang world champion ng Pilipinas. Bagama’t hindi si Magsayo ang magiging susunod na Pacquiao, may pagkakataon siyang isulat ang kanyang legacy, ayon kay Tolentino.

“We welcome new faces kasi nasa post-Pacquiao era na tayo. Wala na ang bandwagon at mga loyal boxing fans na lang ang natitira,” hirit pa ni Tolentino.

 “Baka hindi siya ang bagong Pacquiao. Maaaring hindi siya ang pangalawang Pacquiao. Maaaring siya ang kauna-unahang Magsayo at hindi rin naman siguro masama kung mag-e-excel siya sa daan.”JC