Magsayo patutulugin si Vargas sa Round 10

Magsayo patutulugin si Vargas sa Round 10

July 5, 2022 @ 3:40 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Si WBC featherweight champion Mark Magsayo ang nag-iisang Filipino world titlist na nakatayo at determinado itong talunin si Mexican challenger Rey Vargas sa bakbakan nila sa Alamodome sa San Antonio, Texas, sa Sabado ng gabi (Linggo ng umaga, oras ng Maynila) para itaas ang bandera ng Pilipinas.

Aalis si Magsayo at ang kanyang koponan pa Los Angeles ngayon patungo sa San Antonio kung saan tinalo ni Manny Pacquiao si Marco Antonio Barrera noong 2003 at Jorge Solis noong 2007.

Ang Alamodome ang tahanan ng San Antonio Spurs sa NBA bago inilipat sa AT&T Center noong 2002.

Hindi lamang ito magiging labanan sa pagitan ng mga manlalaban kundi maging sa pagitan ng mga tagapagsanay ng Hall of Fame.

Si Magsayo ay tinuturuan ni Freddie Roach at Vargas ni Nacho Beristain.

Makakasama ni Roach sa corner ni Magsayo sina assistant coach Marvin Somodio, cutman Mike Rodriguez at anak ni MP Promotions head Sean Gibbons na si Brendan.

Kasama rin sa koponan ni Magsayo ang kanyang asawang si Frances, nutritionist na si Jeaneth Aro at strength/conditioning coach na si Pedro Garcia.

“Si Mark ang bagong mukha ng Philippine boxing,” sabi ni Gibbons. “I don’t consider Vargas a puncher and he’ll try to outbox Mark but Mark will cut him down. Ito ay isang knockout na panalo para kay Mark, marahil sa ika-10 round. Kahanga-hanga ang kanyang trabaho sa gym. Mas malakas siya, mas mahigpit ang kanyang depensa, mas shifter ang kanyang footwork at mas mabilis ang kanyang mga kumbinasyon.”

Sinabi ni Somodio na si Magsayo ay may mga kakayahan para pigilan si Vargas.

“Sa tingin ko, kayang i-knockout ni Mark si Vargas pero focus kami kung paano manalo,” wika nito. “Malakas din si Vargas pero mas malakas si Mark. Mas mature na si Mark, maganda ang kondisyon sa tulong ni Jeaneth at Pedro.”

Naagaw ni Magsayo, 27, ang WBC diadem mula kay Gary Russell sa majority 12-round decision sa Atlantic City noong Enero. Itinaas ng panalo ang kanyang record sa 24-0 na may 16 KOs. Si Vargas, 31, ay ang WBC superbantamweight champion at pagkatapos ng limang matagumpay na depensa, binitiwan niya ang trono upang umakyat sa featherweight.

Nabali ang paa ni Vargas sa isang training run at hindi aktibo sa loob ng mahigit dalawang taon, na nag-udyok sa WBC na ideklara siyang champion-in-recess. Pagkatapos ay nagpasya siyang salakayin ang 126-pound division.RICO NAVARRO