MAGTANIM NG PUNO

MAGTANIM NG PUNO

November 7, 2022 @ 1:28 AM 1 month ago


NASAKSIHAN ng mga taga-Camalaniugan, Cagayan ang bagsik ng baha nang magiba ang bago at malaking tulay na ginagawa sa kanila.

May habang dalawang kilometro ang tulay ngunit nagiba ang malaking bahagi nito nang rumagasa ang baha sa Cagayan River makaraang manalasa ang bagyong Paeng.

Sayang din ang malaking bahagi ng P3.3 bilyong buwis ng bayan na ginastos para rito na basta na lang inanod ng baha.
Paano nga ba nagkaroon ng malaking baha?

Kung magawi kayo, mga Brad, sa Cagayan Valley na hinati sa gitna ng 505 kilometrong Cagayan River mula sa Nueva Vizcaya hanggang Aparri, Cagayan, makikita ninyo na kalbo ang lahat ng mga kabundukan sa paligid.

Kung may mga puno man, kakaunti na lang dahil inubos ng mga logger na iligal at ligal, kasama ng mga nagkakaingin.

Kaya naman nang bumagyo, gayon na lamang ang pagdausdos ng mga tubig-baha mula sa mga kabundukan mula sa Caraballo Mountains, Sierra Madre at Cordillera mountains, partikular mula sa Ifugao at Kalinga.

At nakatatakot na baha ang naganap gaya nang dumating si bagyong Senyang noong 1964 na may 250 kilometrong lakas ng hangin kada oras na sinabayan ng malakas na pag-ulan, si bagyong Ulysses noong 2020 na may pinakamalakas na hangin na 215KM kada oras na may malakas ding pag-ulan at si bagyong Paeng kamakailan lang na may pinakamalakas na hanging 130km kada oras na may kasamang malakas ding pag-ulan.

Tiyak makatutulong laban sa baha ang pagtatanim ng puno ng milyon-milyong mamamamayan mula sa lahat ng lokal na pamahalaan, katulong ang pambasang pamahalaan.

Paano kaya kung magtanim ng puno kahit dalawang beses sa isang taon ang milyong mamamayan sa mga kalbong kabundukan bilang panlaban sa baha?

Malakas sumipsip ng tubig-baha ang milyon-milyong puno at hindi pa huli ang lahat para gawin ito, sa totoo lang.