Maguindanao plebiscite, maayos – Comelec

Maguindanao plebiscite, maayos – Comelec

September 17, 2022 @ 2:30 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Naging maayos at matagumpay ang ilang oras na plebisito sa paghahati sa Maguindanao.

Ayon sa Commission on Elections (Comelec) walang naging abala, marahas na insidente, o iregularidad ang napansin sa umaga ng plebisito bagama’t bahagyang naantala ang pagsisimula ng botohan sa bayan ng Talayan para maghanda bago ang botohan ang isang voting precinct.

Personal namang binisita ni Commissioner George Garcia ang polling precincts at obserbahan ang pagsasagawa ng plebisito.

Pinasalamatan din ni Garcia ang mga plebiscite committee members para sa kanilang trabaho.

Ang mga poll workers sa 36 municipalities ay maaga aniyang dumating bago magsimula ang plebisito.

Mahigit 818,000 registered voters ang nakilahok sa plabisito.

Ang botohan ay matatapos mamayang alas-3 ng hapon pero sinabi ni Garcia na tatanggapin pa rin ang mga nakapila at nasa 30 metro sa bisidad ng polling places.

Tiniyak din ni Garcia sa mga botante ng Maguindanao na walang dapat ikabahala sa mga iregularidad sa proseso ng canvassing kahit na ang aktibidad ay ipagpatuloy sa gabi upang hintayin ang pagdating ng election returns.

Sa kanyang pagtaya, ang municipal canvass proceedings ay maaaring magsimula ng alas-8 ng gabi at ang mga resulta ay maaaring dalhin sa kapitolyo ng lalawigan sa bayan ng Buluan sa gabi ring iyon o sa susunod na araw.

Inaasahan ni Garcia na lalabas ang mga resulta ng botohan sa Linggo ng hapon.

Si Maguindanao Gov. Bai Mariam Mangudadatu ay bumoto sa Campo Cuatro Elementary Datu Sangki, kung saan siya nakarehistro.

Inilarawan din niya ang plebisito bilang tahimik at matagumpay. Jocelyn Tabangcura-Domenden