Maguindanao police chief sinibak sa pwesto kasunod ng Ampatuan ambush

Maguindanao police chief sinibak sa pwesto kasunod ng Ampatuan ambush

August 31, 2022 @ 2:38 PM 1 month ago


GENERAL SANTOS CITY – Sinibak sa pwesto ang police director ng Maguindanao matapos ang pananambang nitong Martes sa probinsya na nagresulta sa pagkamatay ng isang hepe at kanyang aide-driver.

Tatlong pulis din ang nasugatan sa naturang insidente.

Ipinalabas sa local media outlets  nitong Miyerkules ang Aug. 30 relief order kay Col. Christopher Panapan na nilagdaan ni Brig. Gen. Robert Rodriguez, Philippine National Police directorate for personnel and records management.

Pinalitan siya ni Col. Roel Rullan Sermese mula sa Police Regional Office sa Soccsksargen Region.

Nitong Martes ng umaga, pinatay si Lt. Reynaldo Samson, Ampatuan police chief, maging si Corporal Salipudin Endab, driver ng police vehicle na sinakyan nila upang magsilbi ng warrant of arrest against laban sa isang wanted person sa bayan.

Nasugatan naman sa ambush sina Senior Master Sgt. Reynante Quinalayo, at Corporals Rogelio Dela Cuesta at Marc Clint Dayaday.

Sinabi ni Maj. Reggie Abillera, Maguindanao police spokesperson, na papunta sina Samson at kanyang mga tauhan sa Barangay Kapinpilan upang arestuhin ang isang “Kambal” na matagal nang wanted sa patong-patong na reklamo.

Hindi nahanap ng mga pulis si Kambal at sa halip ay tinambangan nang pabalik na sila sa kanilang headquarters, ayon kay Abillera.

“Lieutenant Samson and Corporal Endab died on the spot,” ani Abillera at sinabing ang tatlong iba pang pulis ay nagtamo ng “not so serious injuries.”

Ayon sa police investigators, nagkaroon ng saglit na sagupaan sa pagitan ng mga pulis at mga umatake sa kanila bago dumating ang mga sundalo at pulis upang tulungan sila. RNT/SA